INAASAHANG palabas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ngayong araw at tinutumbok na ang West Philippine ng bagyong si ‘Queenie’.
Nakatawid na ang bagyo sa Northern Palawan at huling namataan sa layong 120 kilometro hilaga ng Puerto Princesa City.
Nananatili pa rin ang 55 kilometers per hour (kph) na lakas ng hangin ni ‘Queenie’ malapit sa gitna at kumikilos pa-kanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 24 kph.
Sa ngayon, nakataas na lamang ang storm signal no. 1 sa Palawan kasama ang Calamian Group of Islands at Cuyo Islands.
Ayon kay PAGASA weather forecaster Jun Galang, bukod sa pag-ulan na may pagbugso ng hangin, inaalerto rin ang mga residente sa mabababa at bulubunduking lugar sa mga lalawigang may babala ng bagyo sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.
Hindi rin inaabiso ng PAGASA ang paglalayag ng maliliit na sasakyang pandagat sa seaboards ng Palawan.
Dahil sa nahahatak na Amihan ng bagyo, asahan ang mahina hanggang katamtamang pag-ulan sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON at Mindoro, habang mahinang pag-ulan naman ang mararanasan sa Cordillera, Ilocos, at Cagayan Valley.
Samantala, isang panibagong low pressure area (LPA) ang tinututukan ng PAGASA at huling naitala sa layong 1,000 km silangan-timog-silangan ng Southern Mindanao.
Posibleng pumasok ito ng PAR sa loob ng 24 oras at papalapit na rin sa Mindanao.
Inaasahang mararamdaman na ang LPA sa Southern Mindanao at Eastern Visayas ngayong Sabado. JOHNNY ARASGA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment