ISANG 14-anyos na bata ang ginahasa, pinatay at sinunog pa.
Galing sa eskwela ang bata at umuwi lang para mananghalian nang pagsamantalahan ng mga kriminal.
Nito lang din nakaraang mga araw dito sa QC, dalawang estudyante ang pilit na isinakay ng mga masasamang loob sa isang van, mabuti na lang at nakatakas ang mga dalagita.
Ang report sa akin, noon pa ay nangyayari ang mga ganitong krimen pero walang nagsusumbong, lalo ang mga magulang ng mahihirap na mga estudyante na hindi siguro alam ang gagawin.
Magsusumbong ba sila sa pulis?
Kung hindi naman nila nakilala ang mga tao sa van, kung walang pagkakakilanlan ang mga kriminal hanggang saan nila maitutulak ang kaso o ang kanilang reklamo.
Mas lumalala ang isyung ito.
May mga kwento nang ganito noon pa man, mga estudyante ang binibiktima.
Ang mga batang naglalakad papunta at pauwi sa eskwela, napapahamak pa at napagsasamantalahan.
Ganitong-ganito ang kwento sa mga komunidad noon pa man, na mga estudyante nga raw ang pinupuntirya at may mga van daw kung saan nakasakay ang mga kriminal.
Hinahablot ang mga bata at pilit na isinasakay sa kanilang sasakyan, inaabuso at pinagsasamantalahan.
Totoo ba ang mga kwento kahit noon pa man?
May mga nahuli na ba?
Ano ang mga dapat gawin para matigil na ang ganitong mga krimen na ang pinupuntirya ay mga walang kalaban-labang mga estudyante.
Dapat ay ilabas ang mga totoong kwento, ma-identify ang mga biktima at mabigyan ng hustisya at mapapanagot ang mga kriminal.
Ang hamon ay para sa ating mga awtoridad na sugpuin ang mga kriminal na ang ginagawang biktima ay mga estudyante.
Kailangan malinaw na maipaliwanag ang operasyon ng ganitong kriminalidad at makapagsagawa ng mga paraan para maproteksyunan ang kabataang Pinoy.
Delikado kung hindi maiimbestigahan ito ngayon na.
Nanganganib ang buhay ng marami sa ating mga estudyante, lalo ang mahihirap.
Kailangan natin ng solusyon.
o0o
Mag-email ng inyong reaksyon sa ariel.inton@gmail.com or text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment