POSIBLENG pumasok sa bansa ang isang bagong bagyo bago matapos ang linggo, ayon sa ulat kaninang umaga (Disyembre 1) ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa PAGASA, isa pa lang itong low pressure area (LPA) na nasa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), pero posibleng lumakas ito at maging ganap na bagyo sa Miyerkules.
Tinatayang papasok naman ito ng PAR sa Biyernes saka tatawaging bagyong “Ruby,” ayon kay Buddy Javier, weather forecaster ng PAGASA.
Base sa forecast track ng Metra Weather System ng News5, posibleng mag-landfall sa Southern Leyte ang bagyo sa darating na Lunes, Disyembre 8.
Pero ayon kay Javier, masyado pang malayo sa bansa ang nasabing bagyo kaya posible rin itong lumihis pa-hilaga kapag humina ang amihan sa mga susunod na araw.
Pinabulaanan din ng PAGASA ang isang kumakalat na text message na nagsasabing may bagyong singlakas ng Yolanda na tatama sa bansa Miyerkules.
“Exaggerated ‘yan. Maliit pa lang ang sirkulasyon [ng hangin ng namumuong bagyo]… saka hindi pa ito papasok sa PAR sa Wednesday,” ani Javier sa isang telephone interview.
Samantala, makararanas ng mga pag-ulan ngayong Lunes ang malaking bahagi ng bansa, lalo na ang mga probinsya sa silangan, dahil sa easterly winds o maalinsangang hangin mula sa Pacific Ocean. ROBERT TICZON
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment