Saturday, November 29, 2014

SEKYU NG BID, NAMBASTOS NG ISANG SENIOR CITIZEN NA BABAE

NOONG nakalipas na araw ng Martes ay lumapit sa Lily’s Files ang isang Senior Citizen na babae na masamang-masama ang loob sa mga sekyu ng Bureau of Immigration and Deportation o BID dahil sa pagmumura sa kanya at maling pagtrato sa kanya sa loob mismo ng tanggapan ng BID sa Intramuros, Manila.


Nang marinig ko ang kuwento nitong si Marlyn Ajesta ay parang na-high blood ako at gusto kung sumugod sa tanggapan ng BID para sampal-sampalin itong Security Guard 1 na si Noel Carandang.


Sinasabing itong si Marlyn Ajesta ay pumunta sa tanggapan ng BID para kausapin at dalawin ang isang kaibigan noong nakalipas na Lunes, Nobyembre 24, bandang alas-10:20 ng umaga at bago pumasok ay naglabas ito ng kanyang ID sabay pa inspection ng kanyang bag.


Tinanong ng isang sekyu si Ajesta kung saan ito pupunta at kung ano ang transaction na gagawin nito sa loob.


Ang sagot ng babae ay pupunta siya sa extension office dahil may itatanong lang siya sa kanyang kaibigan at wala siyang transaction na gagawin.


Sa madaling salita ay nagkaroon ng komosyon sa nasabing tanggapan kaya hinawakan ni SG1 Noel Carandang ang kamay ng babae at dinala at itinulak ito sa isang maliit na silid para raw paimbistigahan.


Itinulak daw nitong si Carandang si Ajesta sa investigation room ng BID habang minumura pa kaya lalong natakot ang babae at dito humarap ang hepe ng mga sekyu na si Arnaldo Damian na sa halip na ayusin para huminahon ang babae ay kinampihan pa nito nang harap-harapan ang sekyu na si Carandang.


Pinaratangan pa raw ng mga sekyu, lalo na itong si SG2 Gabriel Damgo, ang babae na may gagawing masama sa loob dahil kilala na nila ito ngunit sinabi ni Ajesta na ‘di naman siya pumupunta sa tanggapan ng BID.


Napag-alaman ng Lily’s Files na itong si Ajesta, bukod sa pagiging babae at senior citizen pa, ay dati ring barangay chairwoman sa Brgy. Bacood, Sta. Mesa, Manila ay ang mga sekyu ng BID, tamang hinala kayo, mga sir, nagsha-shabu ba kayo para paratangan ninyo nang ganyan ang isang tao, lalo na kung ito ay isang babae at senior citizen pa?


Hindi ba kayo marunong ng kortesiya, lalo na sa mga senior citizen?


Nakahihiya kayo, alalahanin ninyo na karamihan sa nagpupunta riyan sa binabantayan ninyong tanggapan ay puro mga dayuhan.


BID Com. Sigfred Mison, sir, ganyan ba makiharap sa tao ang inyong mga security guard diyan sa BID?


May nakarating din sa Lily’s Files na nangungumpiska raw ng passport ang ilan sa iyong mga sekyu para kumita ng konting barya.


Grabeeeee, hindi na tama ‘yang pinaggagawa ng iyong mga guwardiya riyan sa BID, Com. Mison, huwag kayong magtulug-tulugan diyan sa inyong airconditioned na opisina, lumabas din kayo para makita n’yo ang pinaggagawa ng inyong mga guwardiya riyan.


Paimbestigahan n’yo ‘yang insidenteng ‘yan.


Huwag n’yong kunsintihin ‘yang mga guwardiya mo.


Ngayon n’yo ipakita ang Tuwid na Daan ng amo mo, huwag ninyong pairalin ang tuwad na daan na siyang ginagawa ngayon ng halos lahat ng ahensya ng gobyerno. LILY’S FILES/LILY REYES


.. Continue: Remate.ph (source)



SEKYU NG BID, NAMBASTOS NG ISANG SENIOR CITIZEN NA BABAE


No comments:

Post a Comment