INIHAYAG ni Marciano Paynor, Jr., dating ambassador to Israel at miyembro ng Papal Visit Central Committee, na seryosong pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibilidad ng pagdedeklara ng ‘papal holiday’ sa panahon nang pagbisita sa bansa ni Pope Francis sa Enero 15-19, 2015.
Sinabi ni Paynor na kaagad nilang iaanunsyo sakaling magdesisyon ang pamahalaan na magkaroon ng holiday sa mga nasabing araw.
Ipinaliwanag niya na noong bumisita sa Pilipinas si Pope St. John Paul II noong 1995 ay nagdeklara rin ng holiday ang pamahalaan.
Layunin rin aniya nito na makaiwas sa matinding trapik ang publiko na inaasahang makakaapekto sa negosyo at trabaho.
Malaking bagay rin ang holiday para sa mga Katoliko na nais lumahok sa mga aktibidad para sa papal visit.
Una nang nagdeklara ng holiday si Manila Mayor Joseph Estrada sa lungsod, kasabay ng papal visit.
“We are seriously considering the possibility and in due time we will announce if there is going to be holidays on those days,” ani Paynor sa panayam ng church-run na Radio Veritas.
Tiniyak rin naman ng Papal Visit Committee on Accommodations na mananatili ang Santo Papa sa isang ligtas na lugar na inaayos na ng mga opisyal ng Simbahang Katoliko.
Sinabi ni Fr. Jimmy Marquez, executive secretary ng Komite, na hindi nila isasapubliko ang eksaktong lokasyon para na rin sa seguridad ng Santo Papa.
Makikipagpulong rin aniya ang komite sa Department of Tourism (DOT) kasunod ng mga ulat na ilang hotel umano sa kahabaan ng Roxas blvd. ang ginagamit na excuse ang papal visit para magtaas ng presyo ng kanilang accommodation rates. MACS BORJA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment