MAGKAKAROON kaya ng reenacted budget para sa 2015?
Ang reenacted budget, mga Bro, ay ang paglalapat ng lumang pondo o badyet para sa taon na walang badyet.
Ilang beses na naganap ito noong panahon ni Aling Gloria at dahil walang saktong paggagamitan ng badyet, dito nagkaroon ng mga pagkakataon na sibasibin ng mga korap ang pambansang badyet.
IBASURA NG SC
Isang senador at isang kongresman ang naninindigan na tawaging labag sa konstitusyon ang panukalang badyet para 2015.
Para kay Iloilo Cong. Bobby Syjuco, dapat umanong ideklara ng Supreme Court na unconstitutional ang nasabing panukala sa oras na maaprubahan at maging ganap na batas.
Puno umano kasi ito ng pork barrel na matagal nang idineklara ng SC na labag sa Saligang Batas.
Ang inaprubahan umano ng kanyang mga kasamahan na pahabol na badyet na nagkakahalaga ng mahigit sa P37-bilyon ang pork barrel.
Matatandaang ibinasura ng SC ang pork barrel ng mga kongresman na Priority Development Assistance Fund at ang Disbursement Acceleration Program na pork barrel naman ng mga taga-Palasyo.
PIGILIN NG SENADO
Si Senador Miriam Defensor-Santiago naman ang humihimok sa kanyang mga kasamahang senador na huwag aprubahan ang panukalang badyet galing sa Kamara.
Ito’y dahil sa pagkakahalo ng nasa P37B pondo na binubuo umano para sa mga proyektong gustong itayo ng mga kongresman.
Napapaloob halimbawa, paliwanag ni Santiago, ang bilyon-bilyong piso na proyektong pang-irigasyon na hahawakan ng Department of Interrior and Local Government sa halip na National Irrigation Administration.
Mistulang inamin na rin umano mismo ni Department of Budget and Management Secretary Butch Abad na para sa mga proyekto ng kongresman ang dagdag-pahabol na badyet na bagama’t hindi tinatawag na PDAF ay PDAF na rin sa ibang pangalan.
Pinuna rin ni Santiago ang P500-bilyong pondo ng Palasyo ng Malakanyang.
Ang P37B at ang P500B ay pawang mga hindi umano detalyado at walang tiyak na paggagamitan kaya pupwedeng maniobrahin at pagkaperahan umano ang mga ito ng mga korap at mandarambong.
P13B PARA SA DILG HOUSING
Dagdag sa kaguluhan sa badyet ang sinasabi ni Sen. Bongbong Marcos na bibigyan ng Kamara ang DILG ng mahigit sa P13-bilyon para umano sa mga proyektong pantahanan o housing.
Paliwanag ni Marcos, kailan pa naging Housing Authority ang DILG at kasama sa pinaklamalaking trabaho nito ang pagtatayo ng mga bahay?
Syempre pa, kinontra na ito ng DILG sa pagsasabing mayroon talagang papel ang DILG sa pagtatayo ng mga tahanan lalo’t nakaugnay rito ang mga lokal na pamahalaan na nangangailangan ng ganitong mga proyekto pero hindi kumbinsidao si Marcos dito.
PARA SA 2016
Anak ng tokwa, iisa ag pinatutunguhan ng punto ng mga kritiko sa panukalang pambansang badyet.
Nagsimula na ang halalang 2016 at ang pambansang badyet ay ginagawa nang pagkakitaan at puhunan para sa halalan.
Suspetsa ni Inday MIriam, may mga umaasa ng salapi mula sa mga bosing at tinitigan nila na pagmumulan ng grasya ang P37B.
Maaaring may manggagaling din sa P500B ni PNoy.
Hindi man nagsasabi si Marcos, tila nagkakaisa sila ni Santiago na niluluto ang badyet pabor sa kung sinong magiging kandidato ng Malakanyang sa presidential election.
PERA NA
Sakaling magkagulo sa panukalang badyet para sa 2015 at hindi ito maipapasa, mare-reenact o mailalapat ang badyet para 2014.
Eh, ipagpalagay na nating nagamit kahit kalahati lang ng nasabing badyet. Ang 2014 badyet ay mahigit sa P2-trilyon.
Paano kung may P1-trilyon na hindi naka-programa dahil reenacted budget nga ang gagamitin para sa 2015?
Diyan magkaroon ng mga maniobra sa pambansang perang bayan. Kung saan-saan pupwedeng gamitin ang salaping bayan.
Gaya ng nagaganap noong panahon ni Gloria, hindi na kayang sundan ng mga mamamayan kung kani-kanino napupunta ang mga buwis ng taumbayan.
Hanggang sa magkabulgar-bulgar na lang sa tulong mga whistleblower ang mga napakalalaking nakawan.
MAGBANTAY TAYONG LAHAT
Para hindi magiging laruan ng mga anak ng tokwang politiko ang buwis natin, kailangan nating magbantay.
Hindi nila dapat na buhayin ang patay gaya ng PDAF at ilang bahagi ng DAP para lang sila kumita.
Hindi na pupwedeng ‘yang magpayaman sa puwesto ang dahilan ng politika kundi tunay na serbisyo publiko.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment