DUMAKO tayo, mga Bro, sa ibang mga bansa na may kaguluhan o giyera sibil o giyera.
Para kasi ito sa kabutihan ng ating overseas Filipino worker at para na rin sa mga turistang Pinoy na gustong maglakbay sa ibang bansa.
Maraming OFW sa ilang bansa ang inisyuhan ng ating pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs ng iba’t ibang alerto para na rin sa kanilang kaligtasan at gabay na rin para sa kanilang mga pamilya.
MAY ALERTO
Narito ang ilang bansa na may alerto para sa mga OFW.
Egypt, Kenya, Lebanon, Venezuela, Kurdistan (Northern part of Iraq), Iraq, at Thailand, Libya, Yemen at Ukraine, Israel, South Sudan, Libya at Gaza strip sa Palestine at Israel.
May kanya-kanyang antas ng alerto sa mga bansang ito, mga Bro.
Sa mga bansang Egypt, Lebanon, Venezuela, Kurdistan (Northern part of Iraq), Iraq, at Thailand, alert level 1 lang.
Alert level 2 naman ang pinaiiral sa mga bansang Yemen, Kenya at Ukraine.
May alert level 3 naman sa mga bansang South Sudan, Gaza Strip at Libya.
Alert level 4 naman ang pinaiiral sa Iraq.
MGA ALERTO
Heto ang mga pakahulugan ng alerto at dapat gawin ng mga OFW.
Sa alert level 1, walang pagbabawal sa pagpunta sa mga bansang meron nito.
Pero nagbibigay ng impormasyon ang DFA ukol sa pagiging delikado ng lugar at nagbibigay na rin ng gabay ukol sa mga posibleng aktibidad o hindi gagawin ng mga OFW.
Ingat-ingat lang sa paglabas-labas ng bahay, ‘pag may time.
Sa alert level 2, bawal ang pagpunta ng bagong OFW sa bansang mayroon nito.
Sa alert level 3, bawal na ang pagpunta ng mga OFW sa bansang mayroon nito o bawal ang hiring at rehiring.
Pwede lang sa mga nagtatrabaho sa mga ospital, minahan ng mga langis, internasyunal na organisasyon gaya ng Red Cross at United Nations at OFW na nakapag-asawa ng taga-roon.
Boluntaryo rin ang pag-alis ng mga OFW at aalalayan sila ng pamahalaan.
Sa alert level 4, puwersahan na ang pagpapalikas ng mga OFW gaya ng nagaganap sa Iraq.
At kung lulusob na ang mga sundalong Ukrainian sa lungsod ng Donetsk sa Ukraine, maaaring magiging alert level 4 ang paiiralin dahil tiyak na uulan ang mga bala at bomba sa lugar.
Maaaring maging alert level 4 din ang mangyari kung lulusob ang nasa 40,000 na sundalong Israeli sa Gaza Strip na kontrolado ng Hamas sa mga susunod na araw.
Sa ngayon, umuulan ang mga bomba ng eroplanong Israelita sa Gaza Strip habang umuulan naman ang mga missile ng Hamas sa iba’t ibang bahagi ng Israel.
Paano rin kung matamaan ng Hamas ang plantang nukleyar ng Israel na tinatarget nila ngayon?
ALERTO SA GOBYERNO
Napakainit talaga ang sitwasyon sa Ukraine, Gaza Strip, Israel at maging sa Syria at Libya na rin.
Libo-libo ang mga OFW sa mga lugar na ito, maliban lang sa Ukraine.
Dapat lang na maghanda lagi ang gobyerno ng sapat na tao, pinansyal at kagamitan para sa paglilikas kung aabot sa alert level 4 sa mga ito.
Sana, matularan ng ating pamahalaan ang ginagawa ng ibang mga bansa na bago pa umapoy ang mga kaguluhan at giyera, naririyan na ang ala-alert level 4 na pagkilos.
Anak ng tokwa, ang nangyayari kasi, mga Bro, lagi na lang nahuhuli sa balita at pagkilos ang ating pamahalaan.
MASAKIT NA SITWASYON
Pero ito ang masakit na katwiran ng mga anak ng tipaklong na opisyal ng pamahalaan: saan isasaksak na trabaho ang libo-libong uuwing OFW?
Isa pa, lagi na lang sinasabi ng mga ito na “walang pera” para sa mga ganitong pagkilos kaya walang taong kikilos, walang gamit at lahat wala.
Tapos sasabihin nila, ayaw raw ng mga OFW ang umuwi at mas gusto pa ng mga ito ang mamatay roon kaysa mamatay naman sa gutom at hirap sa mahal kong Pinas.
‘Pag namatay kasi sila sa ibang bansa, mayroon at mayroon daw matatanggap ang kanilang mga pamilya na pakinabang.
Sa Pinas, kung hindi ka mamamatay sa gutom at hirap, mamamatay ka naman sa kamay ng mga holdaper, karnaper, akyat-bahay, naghuhuramentado sa gutom, walang pakialam sa human rights na mga pulis at sundalo, salvaging, human immuno virus-acquired immuno-deficiency syndrome, leptospirosis at kung ano-ano pa.
Nakupo!
MALAKING KONTRIBUSYON
Dapat laging isaksak sa utak ng mga nasa pamahalaan na nasa 12-milyong OFW ang kabilang sa mga bumubuhay sa buong bansa sa padala nilang nasa P1-trilyon taon-taon.
Halos kalahati, mga Bro, ng taunan nating pambansang badyet ang kontribusyon ng ating mga OFW sa ekonomiya ng Pinas.
Kaya naman, walang dahilan upang magpabaya ang mga taong pamahalaan sa mga OFW sa gipit na kalagayan ng mga ito.
Dapat maging alerto lagi ang mga nasa pamahalaan at gumawa ng paraan na mabilis na rumesponde sa oras ng kagipitan.
MAGDAGDAG NG TAUHAN
Dapat magdagdag o mag-deploy agad ang pamahalaan ng mga tauhan nito sa gitna o malapit sa mga lugar ng mga OFW tuwing may balitang delikado ang isang bansa at lugar.
Hindi ‘yung saka lang ito kikilos kung wala nang masisilungan at matatakasan ang mga migrante.
Tama na ang mga kapabayaan at hindi pagpansin ng pamahalaan sa mga OFW.
Panahon nang bigyan ang OFWs ng malaking puwang sa serbisyo publiko.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.
The post OFWS ILIGTAS AT ALERT LEVELS appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment