POSIBLENG umabot sa typhoon category ang bagyong Glenda na nasa teritoryo na ng Pilipinas, ayon sa pahayag kaninang umaga, Hulyo 14, ng Philippine Astronomical Geophysical Atmospheric Services Authority (PAGASA).
Paliwanag ni PAGASA weather forecaster Samuel Duran, nasa karagatan pa sa kasalukuyan ang bagyong Glenda kaya inaasahang dito ito huhugot ng lakas bago tumama sa kalupaan sa Miyerkules ng umaga.
Dahil dito, itinaas na sa signal no. 1 ang ilang lugar sa Bicol at kanlurang Visayas dahil kay ‘Glenda.’
Kabilang sa nasa ilalim ng storm signal no. 1 ay ang Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon at Northern Samar.
Naitala na ngayon sa 80 kilometro kada oras (kph) ang lakas ng hangin ni Glenda at may pagbugsong papalo sa 95 kph.
Asahan ang hanging may lakas na 30-60 kph sa mga nabanggit na lugar sa susunod na 36-oras.
Sa loob ng 400km diametro ng bagyo, asahan ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan (7.5-15 mm per hour).
Sa ngayon, makakaranas ang Bicol Region at Eastern Visayas ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan.
Pulo-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog naman ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng bansa.
May gale warning ding nakataas ngayon sa eastern seaboard ng Visayas.
Bukod sa gale warning, awtomatikong walang biyahe ang mga sasakyang-pandagat sa mga lugar na isinailalim sa babala ng bagyo.
Huling namataan sa layong 750 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes at kumikilos ito pakanluran sa bilis na 30 kph.
Sa pagtaya ni Duran, posible pang lumakas ang bagyo at umabot sa typhoon category dahil nasa karagatan pa ito.
Matapos naman ang landfall, saka pa lamang inaasahang lalakas ang Habagat o southwest monsoon.
Sa ngayon, hindi pa nakakaapekto sa bansa ang Habagat, “‘pag lumapit-lapit na itong si Glenda, ay doon pa lang magkakaroon ng interaction.”
Kung ang entrada ng bagyo ay sa Quezon, posible anyang hindi na nito tumbukin ang Metro Manila at tahakin na lamang ang Northern Luzon.
Ngunit sa kabila nito ay mahahagip pa rin nito ang Kamaynilaan at mararamdaman ang epekto nito.
Posible pa rin aniyang magtaas din ng storm signal kung magkaganun man. ROBERT C. TICZON
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment