Friday, October 31, 2014

Misis, timbog sa pagpatay sa mister

NASAKOTE na ang suspek na pumatay sa kanyang sariling asawa sa bayan ng Flora, Apayao.


Nasakote ang ginang sa pinagsanib na pwersa ng PNP Flora Apayao at PNP Allacapan na kinilalang si Trinidad Torricer, 40, ng Centro east bayan ng Allacapan, Cagayan.


Ayon kay Police Inspector Garry Gayamos, chief of police ng PNP Flora bago ang paghuli kay Torricer ay isinagawa muna ang arraignment kay Ricardo Ignacio, isa din sa mga suspek sa pagpatay sa biktimang si Jomilito Torricer, asawa ni Trinidad.


Sa naturang arraignment noong Oktubre 28, 2014 sinabi nito na si Mateo Sowisem ang kasama umano nito sa pagpaslang kay Jomilito.


Nang arestuhin naman si Sowisem sa pamamagitan ng warrant of arrest ay inamin naman nito si Trinidad na isa rin umano sa kasama nila sa pagpatay sa sarili nitong asawa noong July 12, 2014.


Dahil dito, nakipag-ugnayan ang PNP Flora sa PNP Allacapan para arestuhin si Torricer.


Itinanggi naman ni Torricer ang alegasyon laban sa kanya.


Sinabi pa ni Gayamos na alam na nila ang motibo sa pagpatay sa naturang biktima subalit ayaw muna nila itong isapubliko para hindi masira ang isinasagawang imbestigasyon.


Nabatid pa na magkakamag-anak ang tatlong suspek.


Sa ngayon, nakakulong na si Torricer sa Flora Municipal Police Station habang si Sowisem ay nasa Provincial Jail sa Sta. Marcela Apayao at sa BJMP Luna, Apayao naman nakakulong si Ignacio.


Sa panayam naman kay SPO2 Paul Payag, imbestigador ng kaso sinabi nitong namatay ang biktima dahil sa mga palo at saksak sa katawan.


Sa ngayon, nahaharap si Torricer sa kasong parricide habang sina Ignacio at Sowisem ay nakasuhan ng murder. JOHNNY ARASGA


.. Continue: Remate.ph (source)



Misis, timbog sa pagpatay sa mister


No comments:

Post a Comment