KINUWELYUHAN ng pulisya ang may labingdalawang Indian national students matapos magrambulan sa isang dormitory sa Davao City nitong Martes ng gabi (Oktubre 28).
Ang mga nag-upakan na pawang mga medicine students sa lungsod ay dinala sa Sta. Ana police station para sa kaukulang disposisyon habang ang ilan naman ay dinala sa pagamutan sanhi ng iba’t ibang tinamong pinsala sa katawan.
Sa ulat, naganap ang gulo dakong 9:45 nitong Martes ng gabi sa loob mismo ng domitoryong tinutuluyan ng mga dayuhang estudyante.
Ayon sa sa ibang estudyante na hindi kasali sa rambol, bago ang insidente ay nagtalo ang dalawang grupo ng estudyante sanhi ng matandang alitan.
Dahil pawang mainit sa bawat isa, nagtulakan muna ang mga sangkot na mga estudyante hanggang sa humantong sa umaatikabong suntukan.
Natigil na lamang ang rambol nang umawat na ang ilan din sa mga estudyante at mga guwardiya ng nasabing dormitory. ROBERT TICZON
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment