TIYAK na bitay ang aabutin ni Vice-President Jejomar Binay sakaling mapikon ito sa patuloy na pag-anyaya sa kanya na dumalo sa pagdinig sa Senado kaugnay sa isyu ng pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Ito ang hinihintay ng Senado upang maipit sa harap ng publiko si Binay habang itinatanggi ang paratang laban sa kanya. Aba’y mahirap pabulaanan ang katotohanan.
Kahit sinong tao, may dunong man na katulad ni Binay o wala, matutukoy ng mga manonood kapag kasinungalingan na ang sinasabi. May pipikit-pikit, may paubo-ubo o ang iba naman ay galit-galitan.
Ang tanging pag-asa na lamang ngayon ni Binay ay ipaunawa sa taumbayan na pamumulitika ang nangyayaring pagdinig sa Senado para gibain ang kanyang pangarap na maging susunod na Presidente ng bansa.
Mahihirapan na ang kampo ni Binay na salungatin ang matagal nang plano at estratehiya sa paglalatag ng mga ebidensya at mga taong magdidiin sa kanya lalo na kung totoo ang mga paratang.
Kung ako kay Binay, iikot na lang ako ng iikot sa buong bansa hanggang sa dumating ang panahon ng kampanyahan sa susunod na taon dahil sa Senado… walang kabuhay-buhay si Binay.
Magaling yung Atty. Bautista sa kanyang punto patungkol sa sarswelang pampulitika nang humarap ito sa Senado. Ganoon na lang talaga ang salag doon upang ilihis ang atensiyon ng taumbayan sa isyu ng pagnanakaw ni Binay.
Hindi na dapat pang pag-isipan pa ni Binay kung dadalo siya sa Senado. Huwag na siya dapat mapikon sa mga patutsada dahil kapag nagkataon ay suwak ang Binay sa bitag ng Sub-Committee ng Blue Ribbon Committee.
May isa pang paraan upang makaiwas si Binay sa bitag ng Senado. Takbo ng ospital pagkatapos ay ibalita sa publiko na mayroon siyang karamdaman. Medyo gagamit ng preno ang Senado kapag ganyang ang sitwasyon. Hehehehehe!
Subok na si Senador Alan Peter Cayetano sa eksenang may sakit gaya nang nangyari kay dating FG Mike Arroyo at maging kay Aling Gloria. Todo preno si Cayetano nang magkasakit ang mga Arroyo. Takbo na, VP Binay!
***
Para sa komento o suhestyon: eksperto71@gmail.com EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment