NAGBABALA ang pamunuan ng Manila North Cemetery (MNC) sa publiko laban sa mga pekeng pari na magsasamantala sa Undas at mag-iikot sa mga sementeryo kapalit ng pera.
Ayon kay MNC administrator Daniel Tan, kalimitang nag-aalok ang mga pekeng paring ito sa mga tao sa sementeryo na babasbasan at dadasalan ang mga puntod ng mga yumaong mahal sa buhay kapalit ng donasyon.
Pinayuhan pa ni Tan ang publiko na beripikahin muna sa pulisya at sa administrasyon ng sementeryo ang identidad ng naturang pari.
Ang Manila North Cemetery, na may sukat na 54 hektarya, ang pinakamalaking sementeryo sa Metro Manila.
Dito matatagpuan ang libingan ng ilang kilalang personalidad sa bansa tulad nina
dating pangulong Sergio Osmeña, Ramon Magsaysay at Manuel Roxas, historian na si Epifanio de los Santos at maging ang Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr.
Inaasahang aabot sa dalawang milyong katao ang dadagsa sa MNC ngayong weekend para sa Undas. MACS BORJA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment