Thursday, August 28, 2014

Padjakan sa Marikina Part 2

KASABAY ng patuloy paglaban sa ipinagbabawal na gamot habang pinapanatili ang malusog na pangangatawan ng mga mamamayan at malinis na hangin sa lungsod, inaanyayahan pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng Office of the Vice-Mayor (OVM) at sa pakikipagtulungan ng Marikina City Bikeways Office (MCBO) ang lahat na lumahok at magparehistro simula Setyembre 1 para sa “Padjakan sa Marikina Part 2”, isang cycling event.


Tampok sa proyekto ang tatlong aktibidad – ang Fun Ride, ang Night Ride at ang Bike Show.


Ang mga nais magpatala sa Fun Ride at Night Ride ay pinapayuhang magdala ng ID at magpasa ng sinagutang registration form na makukuha sa MCBO samantalang ang mga interesadong lumahok sa Bike Show ay pinapayuhang makipag-ugnayan sa OVM.


Layunin ng “Padjakan sa Marikina Part 2” na patuloy na hikayatin ang mga residente na gawing alternatibong transportasyon ang bisikleta. Bukod dito, layon din ng proyektong ilayo ang mga kabataan sa masasamang bisyo tulad ng iligal na droga, at ibaling ang atensyon at oras sa pamimisikleta.


“Magiging makabuluhan at masaya ang ating proyekto lalo na kung marami ang lalahok. Naniniwala tayo na may magagawa ang bawat isa upang mahikayat ang mga nalululong sa masasamang bisyo na tumigil na sa masamang gawaing ito at maging aktibo sa larangan palakasan o isports tulad ng pamimisikleta,” wika ni Vice-Mayor Jose Fabian Cadiz.


Ang Padjakan sa Marikina Part 2 ay nakatakdang ganapin sa Setyembre 28 (Linggo) sa Old Lobby ng Marikina Sports Center. Ang mga mananalo rito ay mag-uuwi ng tropeyo at iba pang papremyo.


Para sa ibang Marikenyo tulad ni Aristedis Lindo, residente ng Bgy. Sta. Elena, malaking tulong ang pamimisikleta sa kanyang kalusugan at pakikipagkapwa.


“Bata pa lang ako ay nagbibisikleta na ako at dito ako nakahanap ng mga bagong kaibigan o support group. Bukod sa magandang ehersisyo sa katawan, ginagawa ko na ring alternatibong transportasyon ang pamimisikleta sa pagpasok sa trabaho. Ang mga aktibidad na ito ay magandang libangan hindi lamang sa mga kabataan kung hind para sa lahat,” wika ni Lindo.


Para sa iba pang impormasyon at mga katanungan makipag-ugnayan lamang sa Office of the Vice-Mayor sa numero bilang (02) 647-3119 at sa Marikina City Bikeways Office sa numero bilang (02) 682-9575.


.. Continue: Remate.ph (source)



Padjakan sa Marikina Part 2


No comments:

Post a Comment