MABIBIGAT na hamon at pagsubok sa buhay na pinagdaanan.
Paano nga ba napagtagumpayan ng Pilipinong inhinyero sa Malaysia na si Jose Toral?
Sa aking minsang pagbisita sa Kuala Lumpur ay nakilala ko ang inhinyerong si Jose Toral at napahanga ako sa kwento ng kanyang pakikipagsapalaran doon.
Taong 1992 nang ipadala si Jose ng kompanyang pinapasukan niya sa Pilipinas patungong Malaysia.“Pinadala ako ng AGNP dito. AGNP is also a construction company in the Philippines. Meron silang operation dito sa Johor noon, ipinadala nila ako as engineer din,” panimulang kwento niya.
Ayon sa kanya ay naging maayos ang naging pagsisimula niya roon, subalit makalipas ang dalawang taon ay nag-iba ang takbo ng lahat nang magsara ang kompanyang pinapasukan niya.
Bunga na rin ng pagiging likas na malakas ang loob, napagdesisyunan niyang manatili at muling maghanap ng trabaho roon at makalipas nga ang ilang buwang pagbabakasakali at pagpupursige ay muli siyang nakahanap ng mapagtatrabahuhan. “Actually isang napakalaking sapalaran ‘yun, e. So I tried to apply in Kuala Lumpur and sa awa naman ng Diyos, nakakuha ako ng trabaho and from there on, naging stepping stone ‘yun kaya naman tumagal ako. Ang expertise ko talaga ay to design boilers, kami ang nagde-design ng boilers so 90% ng industry is kailangan ng boiler, whether its food industry or hotel industry, drugs, cosmetics and even for power generation, kailangan ng boiler. So mainly ang expertise ko ay sa boilers,” salaysay niya.
Tanging ang kanyang pamilya at ang pangarap niya para sa mga ito ang naging inspirasyon niya sa kanyang mga pagsisikap.
Diumano ay puro trabaho ang napagtuunan niya ng pansin at nakalimutan niyang alagaan ang kanyang kalusugan. “Alam mo ang mga Filipino rito sa abroad ‘pag wala ang pamilya nila, sinusubsob namin ‘yung oras namin sa trabaho, e. And because of that, na-overstressed ako and na-stroke ako, na-paralyze ‘yung right side of the body ko,” paliwanag niya tungkol sa kanyang naging karamdaman.
Matapos ang mahigit dalawang buwang pagpapagaling ay muling nakabalik sa trabaho si Jose, at dito niya napagdesisyunan na kunin na sa Malaysia ang kanyang pamilya upang doon na rin manirahan at nang sa gayon ay magsama-sama na sila.
Aminado si Jose na napakapalad niya sa kabila ng mga pagsubok na kanyang pinagdaanan at naging matagumpay siya. Muli siyang nakabangon, kaya naman isang payo ang ibinahagi niya para sa ating mga kababayan.
“Para sa akin ‘yung mga gustong mag-broad’ medyo siguraduhin niyo lang ‘yung mga papasukin niyo dahil maraming cases dito sa Malaysia na ‘yung expectation nila ay hindi nakukuha. Then, kung kayo ay pinalad na makapasok dito sa Malaysia you do your best, para umasenso kayo sa buhay,” pagtatapos na wika niya.
*******
Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa PTV-4 tuwing Linggo 10:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.
The post ANG MULING PAGBANGON NI JOSE appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment