Sunday, June 8, 2014

WALANG PUSONG INSTITUSYON

pakurot2 KULANG 18 taon ang tiniis na kahihiyan at paghihirap ng kalooban ng contractor na si Wilson Chuan bago napatunayang wala siyang pagkakasala sa akusasyon ng Union Bank of the Philippines (UBP) Nueva Branch sa Maynila na niloko niya ito ng P1.5 milyon, kasama ang interes.


Mabuti na lang, mabusisi sa kasong hawak niya itong si Atty. Jose Icaonapo, Jr. kaya nakumbinsi niya si Judge Liwliwa Hidalgo-Bucu, ng Manila Regional Trial Court Branch 34, na inosente ang kliyente niyang si Chua.


Ipinunto ni Judge Hidalgo-Bucu, na laging may prosesong pinagdaraanan sa bangko at hindi puwede rito ang “verbal instruction” sapagkat laging may kalakip ditong ligal na dokumento o instrumento.


Sa pagdinig, inamin ng bank manager na si Elpido Romero na iniutos lang sa kanya ni Chua na bawasin sa kanyang perang deposito sa bangko na mahigit P3 milyon ang P1.5 milyon na ipinasok nito bilang Divested Investment Trust Account (DITA) na may interes na 13.5% sa loob ng 34 na araw.


Dalawang beses na pinagulong ni Chua ang kanyang pera at matapos ang mahigit dalawang (2) buwan ay binawi na niya ang pera sa DITA, kasama ang interes at maging ang kanyang perang deposito sa bangko.


Pero ang totoo, walang instruction si Chua sa bank manager na si Romero sapagkat “cold cash” ang ibinigay niya rito matapos makumbinsi na maglagak ng pera sa DITA.


Duda ang marami, lalo na ang PAKUROT, na posibleng hiniram ni Romero ang pera nang hindi alam ng bangko at nang biglang bawiin ni Chua ay nabigla ito at hindi kaagad nagawaan ng paraan kaya’t ipinasa niya ang kasalanan sa kliyente ng bangko.


Kasi naman, kahit saang anggulo tingnan, hindi ka makapagdedeposito sa bangko na laway lang. Kung utang nga kailangan ang prenda, eh, ‘di lalo na ang deposito. Lagi syempreng may proseso. Kaya nga makabayad o hindi ang nangutang, laging ang bangko ang nakalalamang.


Kapag nga hindi nakabayad agad sa bangko, mabilis na nagpapadala ng sulat ang mga abogado nila na nireremata ang sangla, iyon pang walang kasulatan? Mahirap palusutan ang bangko dahil masyadong magugulang at walang pusong institusyon.


Dahil sa kasong kinaharap ni Chua sa UBP, malaki ang epekto ang naging bunga sa kanyang negosyo sapagkat inakala ng marami, lalo na ng kanyang mga kliyente, na manloloko siya gayong sa pangyayari ay siya ang biktima.


Aba’y dapat lang na buweltahan ni Chua ang UBP at ang mga bulaang testigo nito sa pagdiriin sa kanya sa kasong wala siyang kasalanan na inabot din ng kulang 20 taon.


Hindi na sa perang nawala sa kanya dahil sa mga gastusin sa pagdinig ng kaso ang tingnan ng biktima kundi sa hirap ng kalooban na kanyang pinagdaanan at kahihiyan, maging ang kanyang pamilya.


The post WALANG PUSONG INSTITUSYON appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



WALANG PUSONG INSTITUSYON


No comments:

Post a Comment