HABANG umaangal tayo sa grabeng media killings, nagrereklamo na rin ang League of Mayors of the Philippines sa sunod-sunod na pagpatay sa mga mayor sa mahal kong Pinas.
Nagpapasaklolo na rin ang LMP sa ilalim ni Javier, Leyte Mayor Leonardo “Sandy” Javier sa mga kinauukulan, lalo na ang Department of Interior and Local Government, sa halos buwan-buwan umanong pamamaslang sa kanilang hanay.
ILANG BIKTIMA
KABILANG sa mga pinakahuling biktima sina Urbiztondo, Pangasinan Mayor Ernesto Balolong; Laak Compostela Valley Mayor Rey Navarro; Gonzaga, Cagayan Mayor Carlito Pentecostes; at Labangan, Zamboanga del Sur Mayor Ukol Talampa.
Pinatay si Balolong kamakalawa lamang, si Navarro noong Mayo 28, si Pentecostes noong Abril 21 at si Talumpa noong Disyembre 20, 2013.
Pinagbabaril si Balolong sa harapan ng kanyang tahanan sa Laak, si Navarro habang bumibiyahe patungong Tagum City, si Pentecostes sa harap mismo ng kanyang municipal hall at si Talampa sa Ninoy Aquino International Airport 3.
MGA SALARIN
MGA kalaban sa pulitika ang pinaniniwalaang pumaslang kay Balolong at isa sa mga ugat umano nito ang isang malaking halaga ng korapsyon sa kanyang bayan.
Itinanggi naman ng New People’s Army ang bintang ng mga pulis at military na sila ang may kagagawan sa pag-ambush kay Navarro kahit isa ito sa kinilalang Big 4 sa logging sa lalawigan. Paliwanag ng NPA, wala silang sapat na dahilan upang ratratin si Navarro.
Mismong ang NPA naman ang umamin na sila ang pumatay kay Pentecostes sa pagkakasangkot umano nito sa pagmimina ng blacksand sa kanyang bayan na mahigpit at matagal nang tinututulan ng mga mamamayan sa lugar. Pinagbintangan din ito na nagsampa ng kasong libelo laban sa isang guro na kontra sa blacksand mining.
Mga kalaban naman sa pulitika ang umano’y nasa likod ng pagpaslang kay Talumpa. Naligtasan ni Talumpa ang unang pagtatangka sa kanyang buhay sa Metro Manila.
KATARUNGAN, PROTEKSYON NASAAN?
HINDI lang katarungan kundi proteksyon na rin ang hinahanap ng mga mayor sa mga kinauukulan.
Partikular na nananawagan sila kay DILG Secretary Mar Roxas para protektahan sila dahil lumalabas na parang “sitting duck” na lang sila kung pagpapatayin.
May mga eskort ang mga mayor na pulis ngunit lumalabas na kasama ang mga ito sa mga napapatay rin.
Kung hindi naman, nagiging inutil ang mga pulis sa pagbibigay ng proteksyon sa buhay ng mga mayor at kasama ng mga ito.
Sino nga naman ang hindi aangal sa ganitong sitwasyon?
Mabuti pa ang mga nasa Palasyo at Kongreso, walang napapatay sa kanila. Kahit sandamukal silang panay ang pagkakasangkot sa mga malakihang korapsyon at pandarambong sa kaban ng bayan.
AKSYON NAMAN DIYAN
KUNG nababahala ang mga mayor sa kanilang kalagayan, ganoon din ang mediamen.
Mabuti pa ang mga mayor, anomang oras ay mautusan nila ang kanilang mga hepe na bigyan sila ng mga eskort.
Pero ang mediamen, halos lahat ay hindi basta mabibigyan ng escort na pulis maliban lang kung may nakahanda silang panggastos para kumuha ng bantay mula sa Camp Crame.
Kaya hindi nakapagtatakang nasa 28 na ang napapatay na mediamen sa ilalim ng administrasyong “Tuwid na Daan.”
Nakatatakot pa nga sa hanay ng mediamen ang rekord na halos gawa ng mga riding-in-tandem sa motosiklo ang pumapaslang sa kanila at higit na nakatatakot ang paniniwalang habang mabilis na dumarating ang halalang 2016, lalong darami ang mga mayor at mediamen na mapapatay.
SILG Mar Roxas, sir, aksyon naman diyan.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.
The post MGA MAYOR PINAPATAY RIN appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment