NOONG Lunes ay nagsimula na ang klase sa elementarya at high school sa mga pampublikong paaralan at tulad ng inaasahan, naging busy ang mga tricycle at school bus.
Ligtas nga bang sakyan ng mga estudyante ang tricycle sa pagpasok sa eskuwelahan at pag-uwi ng kanilang bahay araw-araw? Magiging ligtas ang mga estudyante kung ang mga driver at ang mismong tricycle ay ligal o sumusunod sa mga ordinansa. Ibig-sabihin, kung may license ang mga driver at kung rehistrado ang mga binabiyahe nitong tricycle at higit sa lahat dapat ay maingat sa pagpapatakbo ang driver.
Hindi naman siguro kaila sa atin na ilan sa ating mga tricycle ay nakikitang namumulaklak sa pasahero na pawang mga estudyante sa elementary at high school. Nagtataka lang naman ako kung bakit ito pinababayaan ng mga pulis, barangay opisyal at ng lokal na pamahalaan gayong napakadelikado nito sa parte ng mga kabataan.
Sinasabing ang Tricycle Regulatory Ordinance ng Quezon City ay apat na estudyante lang ang pinapayagang sumakay sa isang tricyle at mahigpit ding ipinagbabawal ang pagsakay ng estudyante sa likuran ng driver.
Ang sabi ng Quezon City Government ay papatawan daw ng ilang mabibigat na parusa ang driver at ang operator ng tricycle kapag nahuling lumabag sa ordinansa tulad ng overloaded o sobra ang mga sakay na pasahero.
Sinasabi naman ng mga tricycle driver na mas maraming pasahero ay mas maganda dahil nakatitipid ang mga estudyante sa kanilang ibinibayad na P9 kumpara sa P40 o P50 na bayad sa special trips o ‘yung tinatawag nilang solo lang ang pasahero.
Isa raw sa mga parusa o penalty sa mga tricycle na lalabag sa ordinansang ito ay ang pagkansela ng prangkisa nito. Para sa akin ay mahirap yatang mapaniwalaan pero tingnan pa rin natin kung maipatutupad nang maayos ng Department of Public Order and Safety o DPOS ang order na ipinalabas ni Quezon City Administrator Aldrin Cuna.
Sir ALDRIN, kung kaligtasan po ng mga estudyante ang inyong titingnan, hindi po ba mas maganda kung ipa-operate n’yo muna sa DPOS at TRU ang mahigit na 100,000 bumibiyaheng tricycle sa Quezon City kung sinong driver ang walang lisensya at tricycle ang kolorum?
Baka po hindi pa alam ni Mayor Herbert Bautista na mas maraming kolorum na tricyle ang bumibiyahe sa Quezon City at mas marami ring driver na walang lisensya lalo na ‘yung mga bumibiyahe sa gabi.
The post TRICYCLE NA KOLORUM LABANAN appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment