Thursday, June 26, 2014

Nagtitinda ng sigarilyo malapit sa mga eskuwelahan sinuyod ng Marikina operatives

UPANG higit pang maiiwas ang mga kabataan sa masamang epekto ng paninigarilyo, ang pamahalaang lungsod ng Marikina sa pamamagitan ng Anti-Smoking Task Force ng City Health Office (CHO) ay nagsagawa kamakailan ng inspeksyon at pagsubaybay sa mga tindahang malapit sa mga paaralan sa lungsod.


Ang task force na binubuo ng mga tauhan mula sa CHO, Business Permits and Licensing Office, at Office of Public Safety and Security ay nagsagawa ng inspeksyon at pagsubaybay sa mga tindahang malapit sa mga paaralan ng Bgy. Sto. NiƱo, Brgy. Sta. Elena, Brgy. San Roque, Brgy. Kalumpang, Brgy. Industrial Valley Complex, Brgy. Barangka, at Brgy. Concepcion Uno.


Ayon sa tala noong Hunyo 24, may kabuuang 202 tindahan ang nabigyan ng babala mula sa naturang aktibidad. Isang daan at labing anim sa mga tindahang ito ang nagkabit ng mga patalastas hinggil sa sigarilyo (posters) at 86 ang nagkabit ng mga patalastas at nagbenta ng sigarilyo. Ang mga poster ay binaklas habang ang ulat hinggil sa mga tindahang nagbenta ng sigarilyo ay ipinasa sa Office of Public Safety and Security para sa karampatang aksyon.


Sa ilalim ng Republic Act 9211 o Tobacco Regulation Act of 2003, ang pagbebenta ng sigarilyo sa loob ng 100 metrong layo sa mga paaralan ay ipinagbabawal. Ang mga lalabag ay pagmumultahin ng PhP5,000 o pagkakakulong ng hindi tatagal sa 30 araw ayon sa hatol ng Korte. Kaparehong parusa ang ipapataw sa mga susunod na paglabag, kasama na ang pagpapawalang-bisa sa lisensya/pahintulot sa paghahanapbuhay.


Karagdagang parusa na apat na oras na community service sa unang paglabag, walong oras para sa ikalawa, at labing-anim na oras para sa ikatlong paglabag ang ipapataw sa mga tindahang nagbebenta ng sigarilyo sa mga menor de edad alinsunod sa Ordinansa Bilang 201, Serye ng 2001.


Sa mga susunod na araw, ang Anti-Smoking Task Force ay muling magsasagawa ng inspeksyon at pagsubaybay sa iba pang barangay sa lungsod.


“Nakapanlulumong makita ang mga kabataang naninigarilyo. Batid naman natin ang panganib na dulot nito hindi lamang sa naninigarilyo kung hindi sa mga taong nakapaligid sa kanya dahil sa second-hand at third-hand smoke. Ang tuberculosis, kanser sa baga, at hypertension ay ilan lamang sa mga sakit na maaaring makuha mula sa paninigarilyo. Dahil dito, hinihikayat natin ang lahat na makiisa sa ating kampanya,” wika ni Dr. Joselito Mariano, ang smoking cessation coordinator ng lungsod.


Ang mga mag-aaral ay sang-ayon din sa kampanya hindi lamang sa kaligtasang dulot nito sa kanilang sarili kung hindi sa kanilang mga mahal sa buhay.


“Dati, hindi bababa sa limang stick ng sigarilyo ang aking nakukunsumo kada araw subalit nitong mga nakalipas na panahon ay nais kong lumayo na sa bisyong ito sapagkat ang isa kong kaibigan na naninigarilyo rin ay nakakaramdam na ng mga negatibong epekto ng sigarilyo sa kanyang kalusugan. Nangangamba ako na kung hindi ako titigil sa gawaing ito ay magkakasakit din ako at ang aking mga mahal sa buhay,” wika ni John Cruz, resident eng Brgy. Concepcion Uno.


Noong Marso, nagsagawa ang Metropolitan Manila Development Authority ng inspeksyon sa 13 paaralan sa lungsod bilang bahagi ng kampanyang Oplan Balik Eskwela 2014. Mayroong 30 tindahan ang binisita sa naturang aktibidad.


The post Nagtitinda ng sigarilyo malapit sa mga eskuwelahan sinuyod ng Marikina operatives appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



Nagtitinda ng sigarilyo malapit sa mga eskuwelahan sinuyod ng Marikina operatives


No comments:

Post a Comment