Wednesday, June 4, 2014

‘ALAS’ SANTO NG DOJ, BIR; PNOY WALANG PAKI

pakurot MADALI lang para kay Department of Justice Secretary Leila de Lima ang pag-iimbestiga sa pork barrel scam ni Janet Napoles.


Pero dedma naman ang DOJ nang ituro si Budget Secretary Florencio “Butch” Abad na siyang “Hari ng Pork Scam” sa bansa at lalong balewala sa Bureau of Internal Revenue nang mabuking na pangmahirap lang ang binayaran nito noong panahong wala ito sa gobyerno.


Kung ang hari ng pork scam ay hindi kayang imbestigahan ng DOJ at BIR, tiyak mas lalong hindi kayang galawin ang “alas ng sugal” sa bansa. Ang bigtime na gambling lord na ito ay sinasabing protektado ng National Bureau of Investigation at hindi rin kayang banggain ng matataas na opisyal sa pamahalaan dahil “sinasanto” siya umano ng Pangulo ng bansa at mga kaalyado, hudikatura, legislatibo, pambansang kapulisan at maging ng mga mamamahayag.


Bakit sinasanto itong “Alas ng Sugal?” Kasi naman kaya niyang talunin si Pambansang Kamao Rep. Manny Pacquiao sa pagiging galante sa pamumudmod ng salapi.


Lalong talo niya si Pacquiao sa lakas sa BIR dahil ang bida ng boksing ay may kasong tax evasion sa BIR habang itong si “Alas” ay hindi iniimbestigahan ng BIR.


Nakagapos daw ang kamay ng NBI sa pag-iimbestiga sa Alas dahil sa laki ng ibinibigay nitong protection money sa mga opisyal ng pamahalaan.


o0o


NAGING aligaga ang mga magulang ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan noong Lunes dahil nagsimula na ang klase. Ang mga magulang naman ng mga estudyante sa pribadong paaralan ay kampante pa sapagkat may ilang araw pa upang maghanda.


Lamang, marami sa mga magulang ang nagrereklamo dahil napakataas ng bayarin sa eskuwelahan na hindi kayang limitahan ng pamahalaan sapagkat iba rin ang katwiran ng mismong Pangulo ng bansa.


Sabi ni Pangulong Benigno Aquino III, ipasok sa public school ang mga bata kung hindi kaya ng mga magulang ang matrikula sa private school.


Wala man lang konsiderasyon si PNoy. Palibhasa’y hindi nakaranas mag-aral sa public school, maglakad patungo sa paaralan na kumakalam ang sikmura at baon ay tubig lang kaya kung magkomento ay bara-bara lang kahit may masaktan.


Hindi lang sa edukasyon walang pakialam si Pangulong Noynoy kundi maging sa pagtaas ng presyo ng gasolina na nagiging dahilan nang pagtaas ng presyo ng bilihin. Tumaas ba ang sahod ng mga manggagawa? Hindi! Pero tiyak na ang pagtaas ng halaga ng pasahe sa jeep at bus.


o0o

Maraming salamat kay JONATHAN ng Office of the Senior Citizens Affair (OSCA) ng Manila City Hall sa pagsosoli sa dalawang mobile phones ng PAKUROT na naiwan sa silya malapit sa kanilang tanggapan. Salamat sa iyong katapatan at hindi pag-iinteres sa gamit ng iba. Nawa’y dumami pa ang mga katulad mo sa mundo.


The post ‘ALAS’ SANTO NG DOJ, BIR; PNOY WALANG PAKI appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



‘ALAS’ SANTO NG DOJ, BIR; PNOY WALANG PAKI


No comments:

Post a Comment