Monday, March 31, 2014

Magpinsan nahagip ng tren sugatan

PATULOY na inoobserbahan sa pagamutan ang magpinsan na kapwa 7-taon anyos nang aksidenteng mahagip ng dumaraang commuter train ng Philippine National Railway (PNR) kaninang umaga sa Taguig City.


Agad na isinugod sa Taguig-Pateros District Hospital ang mga biktimang sina Ara Mae Magbutong at Jericho Magbutong, ng Daang Hari matapos magtamo ng pinsala sa katawan nang mahagip ng commuter train.


Ayon kay Paul De Quiroz, tagapagsalita ng PNR, dakong alas-10:15 ng umaga nang maganap ang insidente habang naglalakad ang magpinsan sa gilid ng riles ng train sa North Daang Hari nang kapwa mataranta nang marinig ang busina ng train na galing Laguna, patungo sa gawi ng Manila.


Tumilapon si Jericho at humampas ang katawan sa mabatong bahagi sa gilid ng riles nang mahagip ng train habang nagasgas naman ang likurang bahagi ng pinsang si Ara Mae.


Inoobserbahan pa ang kalagayan ng magpinsan sa naturang pagamutan makaraang iulat ng kanilang kaanak ang patuloy na pagsusuka ni Ara Mae.


Tiniyak naman ni De Quiroz na tutulungan ng pamunuan ng PNR ang dalawang bata sa gastusin sa kanilang pagpapagamot.


The post Magpinsan nahagip ng tren sugatan appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



Magpinsan nahagip ng tren sugatan


No comments:

Post a Comment