SINABI ni Senator Miriam Defensor-Santiago na dapat ay babae ang maging susunod na Pangulo ng bansa.
Sa 2016 ay eleksyon na uli para pumili tayo ng bagong presidente.
Sigurado na si Vice President Jejomar Binay na tatakbo sa ilalim ng UNA. Ang totoo, matagal na siyang atat na atat kaya panay na ang ikot at kunwari’y pag-aalmusal sa maliliit na karinderya. Umiistayl na siya kung baga.
Si DILG Sec. Mar Roxas naman ang baka manukin ng Liberal Party o ni Pangulong Aquino. Desperado ngayon ang LP ‘pagkat nakikita nang sa kangkungan lang pupulutin si Roxas.
Ikinakasa naman ng Lakas party si alyas “Pogi” ng pork barrel scam na si Sen. Bong Revilla.
Lumipad si Revilla kasama ang pamilya sa Israel para roon magdasal ngayong Semana Santa dahil mukhang alam na niya na malapit na siyang maaresto sa kasong pandarambong. Mukhang magtatawag ng maraming santo si “Pogi” para siya sasaklolohan. Har, har, har!
Ayon kay Sen. Miriam, kapag babae ang lider ng isang bansa, makararanas ito ng mataas na antas ng pamumuhay, positibong paglago sa edukasyon, imprastraktura at pangangalaga sa kalusugan.
Nakaranas na tayo magkaroon ng isang pangulong babae sa katauhan ni Gloria Arroyo. Masyado lang sinakmal ng kasikaman si Gloria kaya nagkahetot-hetot ang ating buhay sa Pilipinas.
Pero infairness, marami namang nagawa si GMA kagaya ng maraming kalsada kompara naman kay PNoy na isang ampaw na Pangulo.
At kung ako’y pamimiliin kung sino ang gusto kong maging presidenteng babae, walang iba kundi ang anak ni Da King Fernando Poe, Jr., na si Senator Grace.
Maraming magagandang panukala si Senator Grace kagaya ng pagbibigay ng proteksyon sa mga kababaihan at overseas Filipino workers.
At tila si Sen. Poe lang ang seryosong pumupukpok para maging batas ang Freedom of Information Act na ang layo’y maging malaya tayo sa pagbubusi sa mga detalye ng ginagawang trabaho ng mga ahensya ng gobyerno.
Pero ang lubos kong ikinatutuwa kay Sen. Poe ay ang pagsusulong niya na magkaroon ng libreng pananghalian ang mga batang mag-aaral sa pampublikong paaralan. Maraming kabataang Pinoy na mag-aaral ang malnourished at undernourished kung kaya marami ang hindi nakatatapos ng pag-aaral.
Sa halip nga naman mapunta sa kung kaninong bulsa ang ipinopondo ng gobyerno sa conditional cash transfer ng DSWD, mas magiging mahusay kung ilalagay ito para magkaroon ng libreng pagkain ang mga batang mag-aaral.
Saludo ako riyan, Senator Poe!
The post GRACE POE, SUSUNOD NA PANGULO NG BANSA appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment