PUNTIRYA abutin ni Pinoy GM Oliver Barbosa ang inaasam na 2600 plus standard elo rating at ilang puntos na lang ang kailangan nito upang maging super GM.
Pagpasok ng taong 2014, may naitalang standard 2564 na elo rating si Barbosa subalit matapos mag kampeon sa 19th International Open Grandmaster Chess Tournament sa India kamakalawa ay umangat sa 2579 ang kanyang live rating.
Ngayong araw pormal nang malilista sa FIDE rating ang standard rating ni Barbosa na 2579.
“Gusto ko talaga mapataas ang elo rating ko at maabot ko ulit ang 2600 kaya palagi ako naghahanda kapag may sasalihan akong tournament sa ibang bansa.” wika ni Barbosa.
Tumikada si 27-year old Barbosa ng 7.5 points sa 10 laro mula sa five wins at five draws.
Sa huling nasabing tournament na sinalihan ni Barbosa, pumisak ito ng dalawang super GMs at nakatabla ng isa.
Giniba ni Barbosa sina Levan Pantsulaia (elo 2606) ng Georgia sa round 7 at Landa Konstantin (elo 2645) ng Russia sa round 8.
Nakatabla naman si Barbosa kay GM Gujrathi Santosh Vidit (elo 2602) ng India sa round 9.
Umabot sa 2627 ang live rating ng dating University of the Philippines standout Barbosa nang mag kampeon ito sa 10th Parsvnath International Grandmasters Chess Tournament na ginanap sa New Delhi, India noong 2012.
Pero sa standard ay 2585 lang ang pinakamataas niya.
Ang super GM na tinatawag ay ang mga chess players na may 2600 plus na rating.
Samantala, si GM Wesley So ang kasalukuyang Pinoy na may pinakamataas na elo rating.
May 2738 elo rating ang 20-year old na si So kaya naman nasa pang 18 sa FIDE World rankings na ito.
The post Super GM puntirya ni Barbosa appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment