Monday, March 31, 2014

ENTERTAINMENT STRIP NG LAS PIÑAS

Firing-Line-Robert-Roque-Jr.2 KUNG ang Pasay at Parañaque ay may Roxas Boulevard na entertainment strip para sa mga babaeng naghuhubad at puwedeng i-“take home” na parang mga pagkaing “binalot”, ipinagmamalaki (o dapat ikahiya) naman ng Las Piñas City ang Alabang-Zapote Road nito.


Sa bahaging ‘yun ng lungsod ay naghilera ang 21 bar at spa (kuno). Ilan sa mga ito ang kunwaring KTVs pero sa totoo lang ay mga lugar ng prostitusyon. Doon ay ubrang mag-”quickie” ang mga kostumer sa mga babae sa loob mismo ng VIP room kung ‘ika nga, e, the price is right. Puwede rin silang mag-order ng mga babaeng “to go” sa halagang P1,000 hanggang P2,000 o higit pa.


‘Di ko maintindihan kung paanong hindi “naaamoy” ng mga tauhan ni Senior Superintendent Adolfo Samala ang naglalansahang babae na animo’y isda sa palengke kung ilako. Masyado ba silang naaakit sa amoy ng bagong imprentang perang papel na ipinapaypay sa kanila na parang abaniko? Sana’y hindi naman.


Kung hindi magawa ng mga tauhan ni Colonel Samala ang kanilang trabaho, puwede kayang utusan ni Chief Superintendent Jose Erwin Villacorte, Southern Police District director, ang mga tao niya na “bisitahin” ang mga nightspot na ito?


Kung mahina ang intelligence (hindi intelihensya) ng Las Piñas Police, may listahan na ang mga espiya ko ng nightspots sa lungsod. Ito ay ang Miso (Korean) KTV, Tokyo (Korean) KTV, Arario (Korean) KTV, Kwick Chuk (Korean) KTV, When People Meet KTV, Eastside KTV, Siren KTV, Emma’s KTV, Alma’s KTV, City Town, Kapitolyo, Kabalyero, WJ3, Ten Points, Nam-Nam, Top Agashi, Star Wars, Jindale, Flaming 5, West Bay, Station 1, at Ling Nam Spa, na ang mga masahista ay nagbibigay umano ng erotic massages.


Kasabay nito, dapat na rin sigurong linisin ni Col. Samala ang kanyang pangalan sa publiko dahil masyado na itong dinudungisan ni alyas “Jake Duling”, operator ng saklaan at loteng sa buong Las Piñas.


Lagi niyang ipinangangalandakan ang pagiging magkaibigan nila ni Col. Samala, kaya wala raw puwedeng kumontra sa kanyang mga ilegal na negosyo.


Sana ay namamalik-mata lang itong si Jake Duling. Sana na lang din ay totoong hindi bulag ang mga pulis-Las Piñas sa kanyang mga negosyo.


Marahil, dapat ding alamin ng SPD kung sino itong isang Senior Police Officer 4 John M. na may pa-lotteng din malapit sa simbahan ng Iglesia Ni Cristo. Kasosyo niya rin dito si Jake Duling at isang nagngangalang Nancy.


Si SPO4 John M. ba ay ilegalistang nagpulis o pulis na suma-sideline sa iligal?


Dapat lang na imbestigahan ito at kung mapatutunayang totoo ay kasuhan at tanggalin sa serbisyo ang ‘ika nga’y bulok na kamatis.


* * *


SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.


The post ENTERTAINMENT STRIP NG LAS PIÑAS appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



ENTERTAINMENT STRIP NG LAS PIÑAS


No comments:

Post a Comment