ANG malawak na sunog na sumira sa mahigit-kumulang 50 hektarya ng kagubatan at damuhan sa tinuturing na banal na Mount Banahaw ay nagbigay-dahilan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ikonsidera ang pagpapasara sa publiko nang pangmatagalan.
Dahil sa sunog na inaalam pa ang dahilan, sinabi ni Secretary Ramon J.P. Paje na ang pagpapasara ng natural park sa publiko ay isa sa mga solusyon na pinag-uusapan upang maiwasan ang anomang pagkasira at masiguro ang pagpapabalik ng mga lugar na apektado ng nasabing pag-apoy.
“Pinag-aaralan na ng DENR ang permanenteng pagsasara ng Mt. Banahaw sa publiko, lalo na sa mga mountaineer at mga naglalakbay, upang maiwasan na ang anomang insidente ng forest fires na nag-uugat sa gawa ng tao,” saad ni Paje.
Itinala pa niya na sa nasabing sunog, na sumira rin ng ilang 92 hektarya ng plantasyon sa loob ng Mt. San Cristobal, ay ang pangatlong naiulat na tumama sa Mounts Banahaw-San Cristobal Protected Landscape (MBSCPL) simula 2010. Noong 2010, dalawang sunog na ang sumira sa ilang bahagi ng protected area sa San Pablo City sa Laguna at sa bayan ng Dolores sa Quezon, na may sakop na 80 hektarya.
Idineklara ng Protected Area Management Board (PAMB) na ang ibang bahagi ng protected area ay isinara na sa publiko hanggang 2015 upang mabigyang-daan ang rehabilitasyon ng likas na yaman na nasira dahil sa kapabayaan ng mga tao. Sa kasamaang palad, ang mga tao ay pumasok sa mga kordon ng restricted area.
Kasabay nito, sinabi rin ni Kalihim Paje sa DENR Region 4-A (CALABARZON) na magsampa ng kaukulang parusa sa mga taong responsable sa sunog.
Inilarawan ng environment chief ang malawakang pagkasunog sa kagubatan na “nakalulungkot, kalunos-lunos at hindi katanggap-tanggap” na naging dahilan sa malaking pinsalang naidulot nito.
The post MOUNT BANAHAW ISASARA NANG PANGMATAGALAN appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment