Monday, March 31, 2014

GANTIHAN NG MGA POLITIKO

IPINAG-UTOS ni Manila Mayor Joseph Estrada sa mga opisyal at miyembro ng Manila Police District (MPD) at maging sa mga taga-Manila City Hall ang “no take policy” noong maupo siya bilang bagong puno ng lungsod.


Marami ang sumunod subalit may ilang malalakas-loob na gumawa ng paraan para magsamantala upang magkapera at ang mga ito ay may mga sinasandalang politiko.


Pilit na nililinis ni Mayor Estrada ang Maynila, katulong si Vice-Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, upang umunlad ang lungsod nang sa gayon ay umasenso rin ang mga mamamayan na nagluklok sa kanila sa puwesto.


Subalit marami pa rin ang gumigiba sa pangalan ng dalawa at kabilang na rito ang isang konsehal na dating nasa panig ni Isko Moreno na binigyan ng pagkakataon na ayusin ang Divisoria nang hindi nagkalat ang mga magtitinda at mabigyan ng pagkakataon ang mga ito na mabuhay.


Sa halip na ayusin at sundin ang utos ng alkalde na walang kotong, hiningian nito at ng kanyang mga kolektor ang mga magtitinda ng pera at ang mga hindi makapagbigay ay nawawalan ng puwesto.


Nang mabatid ni Mayor Erap ang kalokohan ng konsehal na ito, inalis siya sa puwestong ipinagkatiwala sa kanya.


Ngayon, bumabawi ang konsehal na ito sa pagsira sa pamunuan ni Erap at Isko sa pagbibigay ng mga maling impormasyon sa isang dating heneral na ngayon ay pumuporma sa City Hall at gustong maghari sa koleksyon.


Sinisira rin ng konsehal na ito na mahilig pumapel (sa madaling salita ma-epal) ang magandang patakbo ni Erap at Isko.


Pilit pinalalabas ng konsehal na ito na madalas ding magpasabong sa Tondo na hindi kontrolado ng pamunuan ng Maynila at MPD ang sugal na pinatulan naman ng City Council.


Lamang, sa gantihan ng konsehal na ito at ni Isko, pulis ng MPD ang naiipit, nagagamit at nasasakripisyo na hindi naman dapat.


Tulad na lang ng magkapatid na Supts. Villamor at Jackson Tuliao na iginisa sa committee hearing ng city council noong nakaraang linggo lamang.


Pilit ipinahihiya ng mga konsehal ang magkapatid na kapwa lumaki, nagkaisip at hanggang ngayon ay nagpapalaki ng pamilya sa Tondo na halatang isang paraan nang pagganti dahil ang isa sa mga ito ay kumpare ng ma-epal na Konsehal.


Kaya lang, naisip ba ng may pakana ng pamamahiya sa dalawang opisyal ng MPD na pumasok sila sa bitag ng konsehal na uhaw at gutom sa pagganti sa pagsibak sa kanya sa puwestong pinagkakaperahan?


At alam din ba ng mga konsehal na lalabas na hindi kontrolado ang mga sugal sa Maynila?


Teka nga, sino ba sa kanila ang malinis ang mga kamay o hindi naulingan kaugnay sa sugal?


The post GANTIHAN NG MGA POLITIKO appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



GANTIHAN NG MGA POLITIKO


No comments:

Post a Comment