KASAMA ang Bigwas sa mga kababayang nagbubunyi dahil sa wakas ay naisakatuparan na rin ang lagdaan sa binuong Comprehensive Agreement on the Bangsamoro(CAB) na siyang magsilsilbing sandigan ng kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Matagal na nating ipinaglalaban ito bagama’t nakalulungkot na may mga grupo pa rin na tila nangingiming yakapin ang pangakong kapayapaan na dala ng CAB.
Naiintindihan natin ito sapagka’t kung ating babalikan ang naunang kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro National Liberation Front (MNLF) ay marami ang nagsasabing nabigo tayo sa ating pangarap na ito ang magiging daan upang magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao.
Ngunit kung ating susuriing mabuti, bagama’t hindi napigilan ng kasuduang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng MNLF ang patuloy na pagdanak ng dugo sa Kamindanawan, hindi malayong mas naging mas mapayapa ito kung ikumpara noong hindi pa nagbabalik-loob sa pamahalaan ang MNLF.
Ang naging problema lamang kung bakit hindi naging ganap ang kapayapaan sa Mindanao ay tila nasilaw sa kapangyarihan at salapi itong si dating MNLF Chairman Nur Misuari.
Ito ang dahilan kung bakit sa halip na mapagsilbihan nito bilang gobernador ng Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) ang kanyang mga nasasakupan at mas inatupag nito ang kanyang sariling kapakanan.
Nakalimutan ni Misuari na maliban sa mga gaya niyang Tausug ay napakarami pang mga tribu ang nakapaloob sa kanyang nasasakupan at kasama na rito ang mga Maranao, Maguindanao, Yakan at nandiyan din ang mga Lumad.
Napakalaki rin ang populasyon ng mga Kristiyano na mapayapang nakikipamuhay sa kanilang mga komunidad.
Nakalimutan nito na ang isa sa mga pangunahing tungkulin nito bilang ama ng ARMM ay ang pagkaisahin ang lahat ng kanyang nasasakupan.
Nakaligtaan nito na ang isa sa mga balakid ng kapayapaan sa Mindanao ay ang kawalan ng tiwala ng bawat isa dahil na rin sa pagkakaiba ng kanilang mga paniniwala.
Ito ang dahilan kung bakit sa halip na humina ay lalong lumakas ang MILF noong kanyang kapanahunan. Mas pinili ni Misuari sa makipagtaasan ng ihi sa liderato ng MILF sa halip na pangunahan ang pakipagkasundo sa kanila at himukin ang kanilang suporta upang mabuo ang isang Mindanao na maunlad at mapayapa.
Malayo pa ang daang tatahakin ng ating mga kababayan sa Mindanao bago maging lubos ang ating inaasam-asam na kapayapaan. Subalit ang nilagdaan CAB at ang pagbubuo sa tinatawag na lupain ng Bangsamoro ay siyang simula sa ating adhikaing ito.
Sana nga ay sa lalo’t madaling panahon ay matamasa na rin natin ang kapayapaan sa Mindanao. Kapag nagkataon ay muli kong mababalikan ang Abong-Abong river sa Maluso, Basilan hindi upang magkober ng karahasan kundi upang makapagtampisaw sa angkin nitong kagandahan.
***
Para sa inyong komento at reklamo, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com.
The post ABOT-TANAW NA KAPAYAPAAN appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment