MADALAS naming marinig ang reklamong kinukumpiska ng amo ang kanilang mga cellular phone mula sa ating mga kababaihang OFW na nagtatrabaho sa Middle East. Kaya nga natuto ang ating mga OFW na magdala ng dalawang cellphone at kapag kinumpiska ang isa, may back-up pa sila na pinakatatago-tago upang magamit nila sa panahon ng emergency. Pero kakaiba naman ang reklamo ni Judith na kasalukuyang nasa Saudi Arabia.
Narito ang mensaheng ipinadala ni Odette Constantino sa Facebook account ng Bantay OCW na may kinalaman sa kapatid nitong si Judith de Leus.
“Humihingi po kami ng tulong para sa kapatid kong si Judith na nasa Jeddah.
“Pinagbabawalan po siyang gumamit ng cellphone, minsan kinuha sa kanya ‘yung cellphone niya at iniba ang language. Pinagtulungan po siya ng mag-asawang Arabo, tapos po ‘pag umaalis po ‘yung mga amo niya, ipina-padlock po ang bahay. Wala rin po siyang rest day.
“Dalawang bahay rin po ang kanyang nililinis. Kapag tatawag po kami sa kapatid ko, daraan po muna kami sa amo niya. Pinagbantaan din siya ng amo niyang lalaki na ‘pag nahuli siyang gumamit ng cellphone, kukumpiskahin nila iyon.
“Hindi rin po siya pinalalabas ng bahay, dahil nga po wala rin siyang day off. Natatakot po ‘yung kapatid ko kasi lagi po siyang pinagbabantaan ng amo niyang lalaki. Ang ikinatatakot pa po namin, baka mawalan na kami ng komunikasyon sa kanya. Kasi ‘pag gumagamit ng cellphone ang kapatid ko, nagtatago po siya sa CR. Natatakot na rin po ‘yung kapatid ko kasi po nasaktan na rin po siya ng amo niya.
“Gusto na po niyang umuwi, nagsumbong po siya sa agency nila at lagi lang daw pong sinasabi na gagawa ng paraan tapos sasabihan siya na tapusin na lang ‘yung kontrata. Gagawan daw nila ng paraan, eh, hanggang ngayon ‘di naman nila gingawan ng aksyon. Halos wala na rin pong pahinga ang kapatid ko. Sana po matulungan po ninyo siya na makaalis sa amo niya. Fil-Expat Placement Agency, Inc.(FEPA, INC.) ang ahensyang nagpaalis po sa kanya. Mga bata pa po ang mga anak niya, naaawa po kami sa mga pamangkin namin kasi po halos hindi nga po nila makausap ang nanay nila.”
Nakalulungkot na tila bilanggo at tigmak sa takot ang pakiramdam ng isang OFW katulad ni Judith, na sa halip na makapag-concentrate sa kanyang pagtatrabaho at maipakita ang lahat ng kanyang galing sa mga gawaing bahay, takot ang umiiral sa kanya.
Kakaiba rin ang kanyang employer. Hindi na lang kinumpiska ang kanyang cellphone kundi pinalitan pa ang language nito para nga naman hindi magamit ng ating kabayan. Labis na torture iyan dahil hindi naman niya kailanman dinanas ang ganyang kalagayan nang naririto pa siya sa Pilipinas.
Ipinadala po natin sa ating Konsulado ng Pilipinas sa Jeddah ang reklamong ito at sa tanggapan ni POEA Administrator Hans Leo Cacdac.
Bantay OCW–ginawaran ng Hall of Fame sa 12th Gawad Tanglaw
SA limang taon na sunod-su-nod na pagwawagi ng Bantay OCW bilang “Best Public Service Program”, ginawaran na ito ng Hall of Fame Award sa katatapos na 12th Gawad Tanglaw na ginanap sa San Juan de Letran sa Calamba, Laguna.
Ito na nga ang ika-anim at huling parangal na tatanggapin ng Bantay OCW mula sa Gawad Tanglaw. Kaya naman ang aming taos-pusong pasasalamat sa mga hurado ng Gawad Tanglaw at inihahandog po namin ang pagkilalang ito sa milyon-milyon nating mga OFW saanman sa mundo.
Nais ko ring ibahagi ito sa lahat ng mga tumulong, mga nakasama noon at mga kasama namin. Dahil po sa inyo, posible ang paglilingkod-bayan nang walang pag-iimbot.
Maraming salamat sa aming mga kapamilya sa Inquirer group: ang Philippine Daily Inquirer, Bandera, Inquirer Radio at sa www.inquirer.net sa walang sawa ninyong pagtulong sa ating mga OFW bilang kaagapay ng Bantay OCW sa nakalipas na mga taon.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 10:30am 12:00 noon, audio/video live streaming: http://ift.tt/1ibHfEJ Helplines: 09276499870/0920.968.4700.E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com.
The post LANGUAGE SETTING NG MOBILE PHONE PINALITAN appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment