Saturday, March 29, 2014

BANGSAMORO STATE

baletodo WALA na tayong magagawa. Pirmado na ang pagpapalit sa Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) tungo sa Bangsamoro State.


Si Pangulong Benigno Aquino III at ang liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang lumagda na sinaksihan ng kanilang kasador, Malaysia.


Palakpak ba?


Sana nga ang pagkatatag ng Bangsamoro State ay magwakas na sa lahat ng uri ng gulo sa Mindanao.


Iyan kasi ang sinasabi ni Pangulong Noynoy at mga trumpeta niya. Sana nga, sa ilalim ng Bangsamoro State, uunlad na ang buong Mindanao lalo na ang mga kapatid nating Muslim at lahat na taga-rehiyon.


Isa ako sa maraming nagtatanong, bandila ba ng Pilipinas ang iwawagayway sa bagong estado? Makulit man, nangungulit pa rin ako dahil mahigit isang dosena ko nang itinatanong ito ngunit walang sagot ang Malacañang-OPPAP-MILF.


Mananahimik na ba ang MNLF? Ang BIFF at Abu Sayyaf Group? Matitigil na ba ang produksyon at distribusyon ng iligal na droga sa Mindanao?


Itatabi na ba ang mga armas pandigma ng MILF?


Itutuwid ko lang si G. Aquino nang sabihin niya na ang ARMM ay isang failed agreement. Mali! Katulad ng anomang organisasyon, maski na ang liderato sa Malacañang, hindi sistema ang bigo kundi ang nagpapatakbo nito!


Sa pag-asang tatahimik na ang Mindanao noong panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos matapos siyang makipagkasundo kay dating MNLF chair Nur Misuari, binusog ni FVR ng pondo ang ARMM para sa lahat ng nakalatag na plano ng pagbabago at mga proyekto. Halos P30 bilyon – naubos sa wala.


Ngayon ay P50 bilyon ang unang katas ng pistok ni Aquino, makokontrol kaya at magagamit ang pondo sa tamang direksyon?


Magagawa na ba ang mga pinasabog na lansangan at tulay?


Tataas na ba ang uri ng buhay at edukasyon?


Magkakatrabaho na ba ang mga kapatid natin doon?


Hanggang ngayon nga ay may salary claims pa rin sa ARMM ang mga titser at empleyado ng ARMM. Mauulit kaya ang problema sa ilalim ng Bangsamoro State?


Of course, panalangin ko na magresulta sa maganda ang bagong state within the Philippine state sa ngalan ng kapayapaan at pagsulong ng ekonomiya’t kabuhayan sa buong Mindanao.


Hindi ito nagagawa ng Imperial Manila, eh. Malaking hamon ito sa pamunuan ng Bangsamoro State. Sa haba ng taon ng pakikibaka ninyo para makamit ang inyong minimithi na estado, patunayan ninyo ngayon na hindi kayo matutulad sa mga oportunista at gahaman na politiko.


Allahu Akbar!


The post BANGSAMORO STATE appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



BANGSAMORO STATE


No comments:

Post a Comment