Monday, March 31, 2014

GAWING LIGTAS ANG BIYAHENG SEMANA SANTA

_benny antiporda MABILIS na lumalapit ang mga araw ng Semana Santa na inaasahang pagkilos ng milyon-milyong mamamayan patungo sa iba’t ibang lugar at bansa ng mahal kong Pinas.


Kaugnay nito, nais nating kamustahin ang kalagayan ng mga transportasyon sa lupa, dagat at kalangitan.


Kahit ngayong mga araw pa lang, nakasisiguro na ba ang pamahalaan na walang gaanong panganib ang mga sasakyang gagamitin sa paglalakbay?


Tinatanong natin ito sapagkat pinakamalakas na puwersa ang pamahalaan para masiguro ang ligtas na paglalakbay.


SUSPENSYON, KANSELASYON


‘YANG sipag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na magkansela o magsuspinde sa mga kompanya ng bus na nasasangkot sa mga aksidente ay welcome na welcome sa atin.


Tiyak namang nagkakaroon ng epekto ito sa lahat ng mga kompanya ng bus at iba pang pampublikong sasakyan na kanilang isaayos ang kanilang hanay para sa ligtas na paglalakbay, hindi lang para sa Semana Santa kundi pati na rin sa mga ordinaryong araw.


Subalit ang mga kanselasyon at suspensyon ay hindi dapat na mabahiran ng kalokohan upang mabigyan ang mga manlalakbay ng maayos na kalagayan habang nasa mga biyahe.


Ito’y sa gitna ng paniniwala na may mga gustong mamayani sa mga lansangan at sila lang ang gustong mabuhay na ikapiperhuwisyo naman ng iba hanggang sa maipit naman ang mga mamamayan sa kanilang paglalakbay.


KATINUAN SA MANIBELA


ISA rin sa dapat na tiyakin ng mga kinauukulan ang magandang kalagayang pisikal at sikolohikal ng mga driver, konduktor, helper at mekaniko ng mga sasakyan.


Magandang isailalim ang mga ito sa mga pagsusuri upang maging matino ang kanilang mga pagmamaneho, pag-aayos ng mga sasakyan at pakikipag-ugnayan sa mga pasahero at mga kinauukulan.


Kapag kita o salapi ang higit na nasa utak ng mga taong may hawak sa mga manibela at kalagayan ng mga sasakyan at relasyon sa publiko at hindi ang ligtas na paglalakbay, diyan nagkakaroon ng mga aksidente na nagbubunga ng kamatayan, sugat, kasiraan sa mga ari-arian at iba pang hindi masukat sa halaga na bagay o pangyayari ngunit ikinapipinsala ng lahat.


Ang pagod, droga, alak, puyat, relasyong seksuwal, komunikasyon sa telepono habang tumatakbo ang mga sasakyan at iba pa ay dapat na mahigpit na bantayan hindi lang ng mga awtoridad at kompanya o operator ng mga sasakyan kundi ng mga mamamayan na rin.


Karapatan ng mga mamamayan na igiit ang ligtas nilang paglalakbay mismo sa harapan ng lahat ng mga taong may hawak o kontrol sa mga sasakyan sa lahat ng panahon.


MAHUHUSAY NA KALSADA


PANAHON ngayon ng bungkalan sa mga lansangan at paggiba at pagpapalit ng mga tulay o pier.


Kaya naman, dapat na may sapat na road signs at iba pang mga bagay na nagbibigay-babala o direksyon sa lahat ng mga sasakyan.


Tiyak na may mga bagong gawa o ginagawa na mga lansangan, tulay at pier kahit pa sa Semana Santa.


Sa karanasan, walang marka ang mga kalsada rito gaya ng mga nagtatakda ng paghihiwalay ng mga nagsasalubong na mga sasakyan at dito kadalasang may nagaganap na aksidente.


Maraming ganito hindi lang sa mga patag na lugar kundi maging sa mga bulubunduking lugar.


Ang kawalang marka ng mga lansangan o tulay o pier ay nagbubunga ng mga banggaan at pagkahulog sa mga bangin ng mga sasakyan. Nadadamay rito maging ang mga pribadong sasakyan.


Nagagamit na ba rito ang bilyon-bilyong pisong pondong nalilikom mula sa buwis ng mga inirerehistrong sasakyan.


Alalahaning ang kakulangan ng mga pangkaligtasang babala sa mga lansangan ay sanhi ng korapsyon sa nasa P10 billion road users tax.


FLIGHT MH370


LIBO-LIBO rin ang mas gustong maglakbay sa himpapawid o kalangitan kaysa sa mga kalupaan o karagatan. Sana naman, walang matutulad na disgrasya na katulad ng naranasan ng Malaysian Airline Flight MH370.


Sa deklarasyon ng pamahalaang Malaysia, may nagmaniobra sa eroplano kaya ito’y nawala, bumagsak at lahat ng mga pasahero nito ay tiyak nang nadale o walang nakaligtas nang buhay.


Pero may nagloloko man o wala sa mga eroplanong pampasahero, dapat na tiyakin ng pamahalaan ang ligtas na paglalakbay rito at sana’y walang mangyaring mga disgrasya kahit sa normal na paglalakbay.


LIBO ANG PATAY


SA ating bansa nagaganap ang mga katakot-takot na disgrasya sa dagat.


Katakot-takot hindi lang sa dami ng disgrasya kundi daan-daan o libo-libo kung may mamamatay sa disgrasya sa ating mga barko at karagatan.


Ang mga kinauukulan ay dapat na panatilihin ang pagiging mapagbantay sa ginagawa ng mga may barko.


Hindi sila dapat na magpahinga sa pagbabantay sa panahon, sa seaworthiness ng mga barko at pera-perang ugali ng mga kompanyang pambarko.


‘Yang overloading sa mga barko at bangka ang karaniwang sanhi ng mga disgrasya at karaniwang natatagpuang kulang na kulang ang mga gamit pang-kaligtasan para sa mga pasahero gaya ng mga life vest, bangka at iba pa.


Anak ng tokwa, una pa ngang lumulundag sa ligtas na lugar ang mga taong barko sa halip na unahin nilang iligtas ang kanilang mga pasahero.


oOo


Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.


The post GAWING LIGTAS ANG BIYAHENG SEMANA SANTA appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



GAWING LIGTAS ANG BIYAHENG SEMANA SANTA


No comments:

Post a Comment