Monday, March 31, 2014

BAYAN NG MGA KAWATAN

benny-antiporda14 GUSTO mong magnegosyo sa mahal kong Pinas?


Maganda kung maisipan mo ‘yan.


Kaya lang sa nagaganap na mga nakawan kahit saan, mag-isip ka muna bago ka maglatag ng iyong puhunan.


Sa dami pa naman ng mga magnanakaw ngayon, ligal at iligal.


MARTILYO GANG


KAMAKALAWA ng gabi, nasa tabi-tabi lang tayo sa Mall of Asia.

Katatapos lang na bumili ng ilang kagamitan ang ilan nating kasamahan sa nasabing mall at kalalayo lang nila nang magkagulo sa isang lugar diyan.


Nagkaroon pala ng panloloob sa isang jewelry shop ng suspetsang martilyo gang at nang mabuking ito ay nagkaroon ng barilan sa pagitan ng mga rumespondeng pulis at ng gang.


May nahuling isa pero nakatakas ang mga kasamahan nito tangay ang nakulimbat nilang mga alahas.


SUNOD-SUNOD


HABANG sinusubaybayan natin ang pangyayari, mga Bro, nagkaroon din pala ng mga pagnanakaw sa ibang mga lugar.


Halimbawa ang naganap na panloloob sa isang pawnshop sa Ilocos Norte at natangay rito ang nasa P500,000 at ang holdap sa isang negosyante sa Camarines Sur at natangay sa kanya ang P200,000.


Mayroon ding hinoldap na mga dayuhan at lokal na turista habang namamasyal ang mga ito sa lalawigan ng Quezon.


Isang misis naman ang nasalisi ng halagang nasa P800,000 sa isang tindahan sa Camarines Sur.


May kinidnap for ransom naman na principal ng eskwelahan sa Basilan.


LANTARANG NAKAWAN


SABAY-SABAY naman ang mga lantarang nakawan sa mga lansangan.


Kahit saan sa halos lahat ng lungsod sa Metro Manila, maya’t maya ay makakita ka ng mga tinataliang traysikel ng mga traffic enforcement group.


Tuloy-tuloy ang gawaing ito hindi upang lumuwag ang mga lansangan sa Metro Manila kundi upang kumita ang mga opisina ng traffic management.


Nagaganap ito dahil matapos na makikilan ang bawat operator ng mga traysikel ng P500, nire-release na ang mga ito.


LANTARAN PANG NAKAWAN


GANITO rin ang nagaganap sa mga dyipni.


Kung bumabagtas ang isang jeep ng ilang lungsod sang-ayon sa prangkisa nito, karanasan na ng mga tsuper ang mahuli ng iba’t ibang traffic enforcer ng iba’t ibang lungsod.


Iba pa ang panghuhuli ng mga pulis. Kung may paniket ang mga traffic enforcer, meron din ang mga pulis.


Iba pa ang panghuhuli ng mga taga-Land Transportation Office at taga-emission testing.


May diperensya man ang sasakyan o mga tsuper o wala, basta tinamaan ka ng quota at kapag nagugutom ang mga opisyal ng kalsada, patay kang tsuper at operator ka.


3-5 MILYONG ISTAMBAY


SABI ng gobyerno, may mahigit sa tatlong milyong obrero na walang trabaho.


Sabi naman ng ilang grupo, binabaluktot umano ng gobyerno ang rekord at ang totoo ay may limang milyong tambay sa Pinas.


Tanong: hindi ba kasali rito ang mga sinasabing tambay?


Paano kung sabay-sabay na mangholdap o mag-akyat bahay ang nasa 3-5 milyong tambay?

Ito’y para lang sila mabuhay?


Ano ang pananagutan dito ng pamahalaan? Sapat bang i-salvage ng mga parak ang mga kawatan?


LIGAW KUNG MAGNAKAW


PAANO naman ang mga magnanakaw sa lansangan na ligal ang bulok nilang gawain?


Ligal dahil may paniket sila at marami umanong violation ang mga tsuper at pampublikong sasakyan.


Syempre pa, iba ang mga hinayupak na nambabangketa ng kanilang huli.


‘Yun bang === panghuhuli at on the spot ang bulungan para sa bayaran sabay pananakot na mas malaki ang babayaran ng mga hinuhuli kung maisu-surrender ang lisensya o plaka ng sasakyan sa kani-kanilang mga opisina.


Ano ang pananagutan ng pamahalaan dito?


Hindi naman masabing kabilang ang mga ito sa mga tambay o walang trabaho at wala talagang makain kung hindi sila magnakaw.


BABOY


PERO kung uugatin ang pagkakaroon ng mga tambay at pagiging kawatan ng mga ito, maging ang pagiging kawatan ng mga maliliit na taga-gobyerno, hindi ba nauugnay ang lahat ng ito sa pagnanakaw ng mga baboy sa gobyerno?


Malinaw ang sinasabi ng Supreme Court na iligal ang Priority Development Assistance Fund at mga kauri nito na pondo at dapat umanong ipagsasauli ng lahat ng mga nakatanggap nito ang kanilang natanggap na PDAF.

Anak ng tokwa, bilyon-bilyong piso taon-taon ang kailigalan dito halos walang santo at santa sa mga nakatanggap nito.


Pero iilan lang ang sinasabing mga demonyo sa PDAF.Dahil sa laki ng nakawan sa PDAF at kauring pondo nito, nawawalan ang gobyerno ng pondo para sa paglikha ng mga trabaho at kondisyong pang-ekonomiya para magkatrabaho ang maraming obrero.


Ano-ano naman ngayon ang gagawin sa mga baboy at sa mismong pamahalaan na pinamamahayan ng mga baboy?


At ang malinaw, may dapat na managot hindi lang sa Senado at Kamara at mga sangkot sa katiwalian na ahensya ng pamahalaan.


Dapat ding may managot sa mismong Palasyo na siyang may kontrol sa salaping-bayan.


oOo


Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.


The post BAYAN NG MGA KAWATAN appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



BAYAN NG MGA KAWATAN


No comments:

Post a Comment