MASYADO yatang nagiging pabaya sa kanilang mga tungkulin ang pamunuan ng Caloocan City Police at ang Caloocan City government dahil sa sunod-sunod na pagpatay sa mga opisyal ng barangay na ang may kinalaman ay pawang mga riding-in-tandem.
Dahil sa sunod-sunod na pagpatay sa mga opisyal ng barangay ay nangangamba ngayon ang mga residente sa posibilidad na lalo pang tumaas ang kriminalidad sa kanilang lungsod dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng hustisya ang mga naging biktima.
Matatandaan na ilang araw lamang ang nakalilipas ay napatay ng riding-in-tandem si Kapitan Boy Buko ng Barangay 163 habang nitong Marso 22, pinatay rin si Kagawad Louie Banzon ng Barangay 187 at ang pinakahuli ay nito lamang Marso 25 kung saan ay pinagbabaril hanggang sa mapatay si Kapitan Pete Ramirez ng Barangay 183, pawang mga nasasakupan ng Lungsod ng Caloocan.
Sa mga pangyayaring ito, nakapagtataka na parang wala man lamang ginagawang aksyon si Caloocan City Mayor Oca Malapitan at ang lokal na pulisya upang maaresto ang mga may kagagawan ng krimen at tuluyan na ring mahinto ang pagpatay sa mga opisyal ng barangay.
Napag-alaman pa natin na ang tatlong napatay na opisyal ng barangay ay pawang mga tagasuporta ni 1st District Congressman Enrico “Recom” Echiverri kaya’t hindi nawawala ang hinala na may kinalaman sa pulitika ang sunod-sunod na mga pagpatay.
Dapat siguro ay tutukang mabuti ng Philippine National Police (PNP) ang pagpatay na ito sa mga opisyal ng barangay sa Lungsod ng Caloocan dahil kapag hindi ito napigil ay malamang na mas malala pa ang magiging sitwasyon sa naturang lugar kapag nalalapit na ang eleksyon.
Tinatawagan natin ng pansin ang PNP upang mabigyan ng pansin ang patayang ito sa makasaysayang Lungsod ng Caloocan nang sa gayon ay matahimik na rin ang kalooban ng ating mga kababayan na palaging nangangamba na maaari silang madamay sa mga kaganapang ito.
Nararapat din sigurong pakilusin ng Chief of Police ng Caloocan City na si Sr. Supt. Bernard Tambaoan ang kanyang mga tauhan upang matukoy ang mga taong may kinalaman sa mga naganap na pagpatay.
Bukod sa mga nangyaring pagpatay sa mga opisyal ng barangay ay mukhang tumataas din ang mga nagaganap na krimen sa naturang lungsod dahil na rin marahil sa kakulangan ng mga pulis na nag-iikot sa bawat sulok ng siyudad.
The post KRIMEN SA CALOOCAN LUMALALA appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment