MAHALAGA ang enerhiya ng bawat bansa. Mula sa pinakamaliit na komunidad hanggang sa pinakamalaking siyudad ay nangangailangan ng enerhiya para gumanda ang takbo ng buhay. Sabi nga ng Meralco, “may liwanag ang buhay!”
Sinasabing ang Pilipinas daw ang nauna sa paggamit ng modernong enerhiya noong panahon ng Kastila, Britanya at Amerika, tulad din ‘yan nang una tayong nagkaroon ng eroplanong pangkomersyal, barko at serbisyo ng perokaril o tren.
Ngayon ay kulelat tayo sa lahat ng modernisasyon na ginagamitan ng enerhiya, ang masakit nga lang, sa buong Asya, ay tayo ang may pinakamahal na serbisyo ng kuryente at ‘yan ang dahilan kung bakit ang mga lokal at dayuhang kapitalista ay naglipatan na sa mga kalapit-bansa natin sa Asya.
Bumagsak ang ekonomiya natin noong panahon ni dating Pangulong Cory na nanay ni Pangulong Noynoy dahil sa kawalan ng kuryente.
Sinapo naman ni dating Pang. Fidel Ramos at nakabawi ang ekonomiya pero sumobra naman ang mahal ng singil ng power providers at distributors.
Ang kawalan ng mura at epektibong enerhiya o kuryente ay nagtutulak sa pagbagsak ng ating pambansang ekonomiya.
Ngayong panahon ni Pangulong Noynoy, nagdurusa ang Mindanao mula ordinaryong mamamayan hanggang sa mga negosyante at kapitalista. Marami na sa kanila ang nagsara ng kompanya. Sa halip na lutasin, ay parang nanakot pa itong si Pangulong Aquino na kung hindi magbabayad ng mas mahal na bayaring kuryente ang mga taga-Mindanao ay magdusa sila!?!
Sa Senado, sinabi ni Senador Serge OsmeƱa na sa 2015 summer, ay malamang na maranasan natin sa buong bansa ang karanasan ng kawalan ng kuryente noong Pangulo pa si Cory, nanay ni Noynoy.
Kailan mag-iisip at gagawa ng tama si G. Aquino? Kulang na ang lakas ng hydro-electric power dahil nakalbo na ang mga gubat na humahawak sana sa tubig ulan. Gumamit ang pribadong sektor ng pugon o coal pero marami ang nasisira sa kalikasan. Ang ibang service providers, langis na mataas ang presyo.
Mahal ang solar power pero sa serbisyo ay panghabambuhay naman. Maraming kalaban ang solar power. Ayaw ng oil dealers at power producers dahil mawawala ang malaking kita nila. Ang gawa ng oil dealers at power providers/distributors ay nagpapakawala ng bilyong piso para sa payola sa mga opisyal ng bayan.
May makukunan tayo na alternatibong enerhiya mula sa wind power sa Bangui, Ilocos Norte.
Lalo na kung gagamitin din ang ginawa ng South Korea na seawave power na doble ang lakas sa wind power. Katulad ng solar, ang wind at seawave power ay libre ang produktong enerhiya.
Sana ang pondo ng PDAF, DAP at MALAMPAYA ay sa enerhiya ibuhos.
The post PDAF, DAP AT MALAMPAYA FUNDS IBUHOS SA ENERHIYA appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment