Thursday, June 5, 2014

Paul Lee malaking tulong sa Gilas — coach Guiao

Paul-lee2


INIHAYAG ni former national coach Yeng Guiao na dapat isama sa lineup ng Gilas ang bata niyang si Paul Lee na magkakaroon umano ng malaking tulong sa koponan sa pagsabak sa Fiba World Cup.


Sinabi rin ni Guiao na ang kanyang starting guard ay magbibigay ng malaking ambag sa mga matatangkad at malalaking katunggali sa torneyo.


Aniya pa, mas maraming magagawa si Lee kumpara kina guards LA Tenorio, Jimmy Alapag at Jason Castro na umano’y kulang sa height at walang abilidad upang depensahan ang malalaking manlalaro, bukod pa sa shooting skills at matitinding opensa.


“Mahirap makialam sa desisyon nila ha, mas alam nila ‘yung needs ng team. Pero tingin ko, Paul Lee will be a big help. Bata si Paul and he is a big guard. Hindi siya nami-mismatch sa malalaking guwardiya,” ani Guiao matapos tambakan ng 51 puntos ang Alaska sa kanilang laban.


“Puwede ngang dos at tres ‘yan, pang match-up mo sa malalaking pang-depensa. Sa international game, malalaki talaga ang guwardiya, so ‘di siya maiiwan,” dagdag pa niya.


Kaya umano ni Lee na makipagsabayan sa pisikalan tulad ng ginagawa niya sa mga big men ng PBA gaya nina Marc Pingris, Calvin Abueva, Cliff Hodge, Ian Sangalang, Arwind Santos at June Mar Fajardo.


“Hindi rin kasi s’ya uncomfortable na makipagbanggaan sa mga malalaki, eh. Kaya very useful talaga ‘yung characteristic niya na ‘yun eh,” ani Guiao.


“Sa galing nga ni LA, magaling si LA pero maaring ma-disadvantage siya kapag sobrang lalaki na ‘yung guwardiya, ‘yun siguro ang magiging role ni Paul kung sakali,” dagdag pa nito.


Sa taas na 6″ at bigat na 207 lbs., hindi mapag-iiwanan si Lee ng malalaking kalaban.


Paul-lee


“Dapat talaga 190 o 185 pounds lang ako para sa height ko. Kaso talagang nagpapa-bulk up ako. Kasi hindi ako kumportable lumaro ng magaan,” ani Lee. “Alam ko kasi na puwede akong i-bully ng mga kalaban, lalo na ‘yung mga malalaki, kung papayat-payat ako.”


“Hindi na bago sa akin na malaki ang binabantayan, kasi minsan may role si coach Yeng ‘pag kaya naming maliliit ‘yung nagbibigay ng ball screen kailangan talaga mag-switch kami sa malalaki,” paliwanag niya.


Sinabi rin ng teammate niyang si Beau Belga na pinakakakaiba si Lee sa lahat ng defender na nakita niya.


“Marunong kasi si Paul makipagbanggaan. Sanay siya. Hindi mo siya basta-basta maatatake. Kasi marunong nga, eh. Alam niya gamitin ‘yung katawan niya,” wika ni Belga.


“Tapos mataas ‘yung IQ niya, alam niya ang susunod mong gagawin. Binabasa niya talaga ‘yung kilos nu’ng kalaban,” dagdag nito.


Iginiit ni Belga na dapat lumaro sa Gilas si Lee na umano’y papahirapan sa depensa at sa pagiging sure ball maging ang NBA player na maglalaro sa Fiba na sina Carlos Arroyo at JJ Barea ng team Puerto Rico.


The post Paul Lee malaking tulong sa Gilas — coach Guiao appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



Paul Lee malaking tulong sa Gilas — coach Guiao


No comments:

Post a Comment