Monday, June 9, 2014

NPC kay PNoy, media killings bigyan naman ng pansin

MULI na namang nagluksa ang mga miyembro ng mamamahayag makaraang mapaulat na isa na namang radioman ang pinatay sa Calapan City, Oriental Mindoro kaninang tanghali.


Batay sa nakarating na ulat kay Calapan City police Chief Supt. Vicerio Cansilao, pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang armadong suspek ang biktimang si Nilo Bacolo, announcer ng local station na DWIM Radyo Mindoro.


Ayon sa pulisya, pinagbabaril ang biktima malapit sa kanyang bahay sa Barangay Lalud, Calapan City kung saan agad siyang itinakbo sa Maria Estrella Hospital ngunit binawian din ng buhay sanhi ng mga tama ng bala ng baril sa kanyang katawan.


Dahil dito, nanawagan ang pamunuan ng National Press Club (NPC) sa pangunguna ni President Joel Egco sa administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na dapat na nilang pagtuunan ng pansin ang mas lalo pang lumalalang “media killings” sa kanyang pamumuno.


Kung mapapatunayang may kaugnayan ang pagkakapatay kay Bacolo sa kanyang trabaho bilang radio announcer, ito na ang ika-29 na mediaman na napatay sa ilalim ng Aquino administration.


Kung magpapatuloy ang pagtaas ng bilang ng “media killings” sa bansa kung saan tinatayang may pitong mamamahayag ang napapatay kada taon sa ilalim ng administrasyong Aquino, maaaring mabansagan ang ating bansa na pinakadelikadong lugar para sa mga mamamahayag sa buong mundo.


Ayon kay Egco, maaaring mas masahol pa ang kauuwian ng administrasyon Aquino dahil may posibilidad na mabansagan itong “Most dangerous President for Journalists in the World.”


Pinaalalahanan din ni Egco ang kanyang mga kasamahan sa media na maging handa at mapagmatyag upang makaiwas sa disgrasya.


“As government stands idly by, so we shall remain vigilant,” pagtatapos ni Egco.


The post NPC kay PNoy, media killings bigyan naman ng pansin appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



NPC kay PNoy, media killings bigyan naman ng pansin


No comments:

Post a Comment