Wednesday, June 18, 2014

Marathon hearing request ni Cambe

ITINAKDA na ng Sandiganbayan ang schedule ng mga pagdinig para sa mga nakabimbing apela ng mga akusado sa pork barrel scam.


Tatlong dibisyon sa Anti-Graft Court ang didinig sa mga inihaing mosyon nila Senador Ramon Bong Revilla, Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile kabilang ang mga kapwa sangkot ng mga ito sa anomalya.


Kaugnay nito, hiniling ng kampo ng dating Chief of Staff ni Senador Revilla at isa sa mga akusado na si Atty. Richard Cambe sa Korte Suprema na magsagawa ng marathon hearing ang Sandiganbayan at tapusin nito ang pagdinig sa kaso sa loob ng anim na buwan.


Hiniling din ng kampo ni Cambe na limitahan na ang paghaharap ng mga testigo gayundin ang pagbuo nito ng karagdagang tatlong dibisyon na didinig sa kaso.


Samantala, mismong ang Sandiganbayan na ang nangako na magkakaroon ng mabilis na resolusyon sa pork barrel cases.


Sa liham ng anti-graft court sa Supreme Court (SC), sinabi nilang kaya nilang desisyunan nang walang mga delay ang kasong ito kaya hindi na kailangang baguhin ang structure ng Sandiganbayan.


Magugunitang hiniling ng Office of the Ombudsman na lumikha ng dalawang special divisions para sa pork barrel cases, habang ang respondent naman na si Atty. Richard Cambe ay ibig magkaroon ng tatlong dibisyon.


Sa ngayon ay nakapag-isyu na ang korte ng hold departure order (HDO) para sa 54 na dawit sa kaso ngunit wala pang nailalabas na warrant of arrest laban sa mga akusado.


The post Marathon hearing request ni Cambe appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



Marathon hearing request ni Cambe


No comments:

Post a Comment