TALAGA bang pinapatay ng pamahalaan ang industriya ng jeepney?
Ito ang isang katanungan ng maraming jeepney operator makaraang biglaang magpataw ang Bureau of Internal Revenue ng napakalaking halaga sa mga operator sa kanilang pag-renew ng prangkisa ngayong taon.
Napakarami ngayon ang nakabinbing aplikasyon ng renewal ng prangkisa dahil sa paniningil ng multang P10,000 sa bawat prangkisa.
Iisa man ang iyong unit o tatlo sa isang prangkisa, kailangan mong magbayad ng P10,000.
Hindi lang ito, kailangan nang magbayad ng taunan o quarterly ng buwis ang operator.
Kahit magkandalugi-lugi ito dahil sa napakamamahal na gastusin sa pag-ooperate ng jeepney.
OVERHAUL AT GULONG
UMAABOT ang halaga ng overhaul ng makina sa P60-P70, kasama na ang halos isang buwan na pagpapaandar dito para makondisyon ang makina.
Karaniwan namang nagpapalit ang apat na gulong makaraan ang mahigit isang taon at nasa P20,000 ang kumpletong gamit sa gulong: exterior, interior at flap.
Napakarurupok na rin ang mga interior at flap ng mga gulong at madaling masira ang mga ito.
Dahil naman sa mahal na gulong, parami na nang parami ang gumagamit ng mga recapped.
Napakarami pang ibang piyesa na napakarurupok kahit mahal ngayon at tila walang pakialam ang gobyerno rito.
Kabilang sa mga ito ang oil seal na gamit sa mga preno at clutch at sa tuloy-tuloy na pagtakbo ng mga jeepney, suwerte na kung aabot ng isang buwan ang mga nasabing oil seal.
MAHAL NA DIESEL
HALOS lahat ng mga jeepney ay gumagamit ng diesel.
Sa kuwento ng mga driver, kumukonsumo sila ng napakalaki dahil sa napakamahal na ito.
Kailangan nilang umikot ng dalawang round trip bago nila mapunan ang orihinal nilang karga.
Sa ikatlong round trip na lang sila umaasa ng kaunting kita at pang-boundary.
Kung inabot sila ng katakot-takot na trapik na kagagawan ng mga gumagawa ng mga kalsada at iba pang may proyekto sa kalsada, riyan na sila umiiyak dahil mahal na nga ang diesel, lalamunin pa ito ng trapik.
Nagmahal ang diesel, kasama ang iba pang produktong petrolyo gaya ng break fluid, engine oil at iba pa dahil sa pagpapataw ng gobyerno ng 10 porsyentong expanded value added tax sa petrolyo.
Dati-rati, walang EVAT sa mga produktong petrolyo kaya kahit papaano ay magaan noon ang operasyon ng jeepney.
MGA KORAP
IISA pa sa mga nagpapahirap sa mga operator at driver ang mga naglipanang korap na ligal at iligal ang pinaggagawa.
Napakalaking perhuwisyo, mga Bro, ang pagkakalikha ng mga traffic enforcement office sa bawat munisipyo at lungsod.
Marami sa mga TMO ang kulang sa badyet kaya naman iniaasa sa huli, na may quota, ang dagdag na pondo.
Kahit sa kaunting diperensya, nanghuhuli nang nanghuhuli ang mga traffic enforcer para may sasahurin sila sa kada kinsenas.
‘Yung ibang mga traffic enforcer naman ay sinosobrahan na rin ang panghuhuli para may mabangketa sila o may makomisyon sila sa kada kinsenas.
Sa quota, pambabangketa sa huli at pangongomisyon ay naririyan ang ligal at iligal na panghuhuli.
Korapsyon na maliwanag na ikinaiiyak ng mga driver at operator.
Kung babagtas umano ang isang jeepney sa dalawa o higit pang lungsod o bayan, diyan nila ramdam na ramdam ang bigat ng mga panghuhuli.
3 BIYAHE SA ISANG LINGGO
NASA tatlong biyahe umano sa loob ng isang linggo ang totoong maayos na biyahe ng isang driver.
Inuubos ng driver ang ibang mga araw sa pagtubos ng kanyang lisensya dahil sa mga panghuhuli na pera-pera sa mga traffic enforcer, kabilang na ang mga pulis at tauhan ng Traffic Management Group.
Para sa mga operator na paisa-isa ang driver dahil ayaw nitong mababoy ang jeepney, tatlong araw rin ang pabiyahe nito at pa-boundary.
Ang masakit, itinuturing na regular ang gawa ng mga hinayupak ng korap sa lansangan.
TANGGAL PLAKA
PABORITO ng mga traffic enforcer at pulis, kabilang na ang mga deputized ng LTO, ang pagtanggal ng plaka dahil umaabot sa P6,000 ang gastos dito.
Dito sila nagkakakomisyon nang malaki mula sa LTO o sa mga munisipyo o lungsod na nagpapakumpiska ng mga plaka.
Syempre pa, kumikita rin ang LTO at LTFRB dito.
Kabilang sa mga sitwasyon umano na may tanggal plaka ang pag-iwas sa ruta ng mga natatrapik nang husto na mga sasakyan.
Hindi inaayos ng mga tarantadong pulis umano ang mga trapik at ‘yung sa mga dibersyon ng mga sasakyan kung saan nag-aabang ang mga ito.
SOBRANG PAGPAPAHIRAP
KUWENTO ng mga operator at driver, ngayon lang sila nakararanas ng sobrang paghihirap at katarantaduhan umano ang sinasabi ng pamahalaan na gumiginhawa na ang mahal kong Pinas.
Hindi lang umano nila nararamdaman ang ipinagyayabang ng gobyerno na kaunlaran kundi ramdam na ramdam nila kung paano sila pinahihirapan mismo ng pamahalaan mula sa itaas hanggang sa baba.
Dito natin nauunawaan na kung may napapatay o nababaril na traffic enforcer, pulis at tag-BIR, parang gumagaan umano ang kanilang kalooban.
OMG!
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www. remate.ph o i-text sa 09214303333.
The post JEEPNEY AT PATAY KANG TRAFFIC ENFORCER AT BIR KA appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment