IKULONG SI BONG!
Ito ang utos ng Sandiganbayan (SB) 1st division makaraang makitaan ng probable cause ang kasong plunder at graft laban kay Senador Bong Revilla, kasama ang 32 pang akusado.
Sa resolusyon ng Sandiganbayan, sapat ang mga ebidensiyang inilatag ng Office of the Ombudsman para madiin sa kaso ang mga akusado.
Dahil dito, iniutos ng korte ang paglalabas ng mandamiento de aresto laban kay Revilla, kanyang dating staff na si Richard Cambe, ang mastermind ng pork barrel scam na si Janet Lim Napoles, pamangkin nito na si Ronald John Lim at driver-bodyguard na si John Reymund De Asis.
Ang resolusyon ng korte ay batay sa apat na pahinang inilabas ng Sandiganbayan.
Kaninang umaga ay ibinasura ng korte ang mosyon ni Revilla para sa nasabing usapin at inalmahan ang umano’y minadaling pagpapalabas ng resolusyon.
Nanindigan din si Revilla na malinis ang kanyang konsensiya at wala aniya siyang ninakaw sa gobyerno.
Sa pagharap sa media kasama ang misis na si Lani Mercado at anak na si Jolo Revilla, emosyunal na nagsalita ang actor/politician kung saan direkta pa niyang tinukoy si Pangulong Noynoy Aquino na hindi siya umaarte at umaasang darating ang araw na lalabas din ang katotohanan at mapawalang-sala siya.
Sinabi rin ni Revilla na handa siyang sumuko sa paglabas ng warrant of arrest at nakahanda na ang kanyang mga gamit na dadalhin sa kulungan.
Kanina inasahan na ilalabas ang warrant of arrest para kay Revilla pero 4:30 na ng hapon natapos ang drafting dahilan kaya hindi napirmahan ni Presiding Justice Efren dela Cruz.
Si Revilla ay sinasabing kumita ng P214,512,500 kickback sa maanomalyang paggamit ng pork barrel.
The post Ikulong si Bong! appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment