MAAARING hindi nanonood ng telebisyon, nakikinig ng radyo at nagbabasa ng diyaryo si Pangulong Benigno Aquino III dahil hindi nito batid ang mga kaganapan sa bansa, lalo na ang mga pagpatay sa mga mamamahayag, opisyal ng lokal na pamahalaan at pulis.
Tanging tutok ang pansin ni Pang. Aquino sa pagganti sa mga politikong kalaban ng Liberal Party na pilit idiniriin sa “pork barrel scam” habang pilit iniiiwas ang mga kakamping “pinakautak” ng nakawan sa kaban ng bayan.
Huwag nang bigyang pansin ni PNoy ang ang pagpatay sa mga alkalde at pulis dahil ang mga ito ay pawang may kakayahan na magtalaga ng kanilang body guards at ipagtanggol ang kanilang sarili.
Subalit ang mga mamamahayag na payak ang pamumuhay at hindi kayang magdala ng sandata, maliban ang utak at pluma, ay dapat na unahin at tulungan ni Pang. Noy.
Pero hindi binibigyang pansin ni PNoy ang mga kaganapan sa bayan ni Juan dela Cruz, lalo na ang “media killings” kung saan noong Lunes ay binawian ng buhay si Nilo Bacolo, ang ika-29 na mamamahayag na pinaslang sa panunungkulan ni Aquino.
Kailan pa malulutas ang mga pagpatay kung hindi sisimulan ni Pangulong Noynoy ang pagkilos upang matapos na ang karahasan? Wala ring pinatutunguhan ang intelligence fund ng Pangulo at maging ng Philippine National Police kung hindi kayang bigyan ng hustisya ang mediamen na pinaslang sa rehimeng Aquino.
Huwag na sanang hintayin pa ni PNoy na madagdagan ang bilang ng mga nasasawing mamamahayag sa kanyang panunungkulan. Huwag din sanang pagsisihan ni Pang. Noy ang kanyang patuloy na pagtutulog-tulugan sa pansitan at pagkukuyakoy sa MalacaƱang.
Baka kasi isang araw, magising siyang wala na pala ang kanyang bodyguards na madalas niyang takasan at hindi na siya masundan at maging biktima siya ng karahasan na hindi niya binigyang-pansin, lalo na sa kaso ng mga mamamahayag.
o0o
SABI ng isang pulis na nakapanayam ng PAKUROT, mahigit kalahati na ng termino ni Pangulong Aquino ang napagserbisyo nito subalit hanggang ngayon ay nananatiling hindi tumataas ang kanilang suweldo.
Ikinumpara ng pulis ang malasakit ni dating Pangulong Gloria Arroyo sa mga alagad ng batas at maging sa mga guro sa sinasabing pag-aaruga ni Aquino sa mga taong gobyerno.
Noong si Arroyo ang pangulo, anang pulis, ramdam nila ang malasakit nito sa mga nagseserbisyo sa bayan sapagkat itinaas ang kanilang suweldo at naibibigay ang bonus nila.
Ngayon, bukod sa walang taas-suweldo, madalas ang kanilang bonus ay binabawasan kapag may kalamidad. Nakararating daw ba naman sa mga biktima ng kalamidad?
Ramdam nila raw na ibinubulsa lang ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan. Kaya nga maging ang mga grupong nais tumulong sa mga biktima ng Yolanda ay ayaw nang dumaan sa pamahalaan sapagkat hindi napupunta sa mga dapat puntahan sa halip ay nababaon sa bulsa ng ‘mga buwaya’ ang kanilang tulong.
The post HUWAG SANA, PNOY appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment