INAANYAYAHAN ni Marikina Mayor Del De Guzman ang lahat ng magkasuyo at mga kasalukuyang nagsasama nang hindi pa kasal na magpakasal na sa nalalapit na grand mass wedding sa ika-27 ng Hunyo sa Marikina Convention Center.
Pinangungunahan ng Office of Councilor Samuel Ferriol (District 1), ang proyekto ay naglalayong makatulong sa mga magkasuyong Marikenyo na gawing legal ang pagsasama.
Ang mga nais magpakasal sa ilalim ng naturang proyekto ay kailangang magdala ng mga sumusunod na dokumento mula ngayon hanggang ika-23 ng Hunyo sa tanggapan ni Ferriol sa ikalawang palapag ng Justice Building (katapat ng Marikina City Hall): Certificate of No Marriage (CeNoMar) mula sa National Statistics Office, Marriage License na makukuha sa Local Civil Registry ng lungsod, Birth Certificate, valid identification card at 2×2 na larawan.
“Ang kasal ay pormalidad at pag-aayos ng dalawang taong nagmamahalan bilang mag-asawa. Kaakibat ng pormalidad na ito ay ang mga karapatan at pribilehiyo na itinatadhana ng batas, at basbas at biyaya mula sa Lumikha,” wika ni De Guzman.
Payo rin ni De Guzman sa lahat ng nais na magpakasal na kailangan ng tatag ng paninindigan sa desisyong ito sapagkat ito ay habambuhay na pangako at responsibilidad sa asawa at sa sisimulang pamilya.
Para sa iba pang impormasyon maaaring makipag-ugnayan sa numero bilang (02) 622-7293.
The post Grand Mass Wedding gagawin sa Marikina appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment