Thursday, June 5, 2014

GARAPAL TALAGA SI CAYETANO

BIGWAS_Gil Bugaoisan WALANG kakupas-kupas talaga ang pagiging garapal nitong si Senator Alan Peter Cayetano.


Aba’y ni hindi man lang ito dinapuan ng kahit katiting na kahihiyan upang mamulitika lalo pa’t ang layo pa naman ng panahon ng kampanya.


Aba’y ngayon pa lang ay nangangampanya na itong si Cayetano sa pamamagitan ng isang advertisement sa telebisyon upang kunwari ay ibenta ang bayan ng Taguig upang manghikayat ng negosyo at isulong ang turismo sa naturang bayan.


Gamit ang pera ng Taguig na pinamumunuan ng kanyang asawa ay walang kahihiyang umeksena itong si Cayetano sa naturang television ad. Aba sir, ang kapal naman talaga ng apog mo!


Hindi naman lingid sa atin ang ambisyon nitong si Cayetano na tumakbo sa mas mataas na posisyon sa pamahalaan sa 2016. Sa katunayan ay inamin na niya na may balak siyang tumakbo bilang Pangulo.


Libre lang naman ang mangarap pero sa mga taong may kahihiyan, hindi nila maaatim na gamitin ang salapi ng mga mamamayan sa kanilang pamumulitika.


Ngunit sa mga taong garapal, wala silang pakialam sa kapakanan ng iba basta’t maisulong lamang ang kanilang sariling interes. Halatang-halata naman na ang advertisement ng Taguig ay ginawa hindi upang isulong ang kapakanan ng naturang bayan, kundi ang political agenda nitong si Cayetano.


Ang layo-layo pa ng eleksyon subalit ngayon pa lang ay puro pamumulitika na ang inaatupag nitong si Cayetano na siyang bagong mukha ng mga trapo (traditional politician) sa ating bansa.


Sabagay, hindi natin masisisi itong si Cayetano sa pagiging garapal nito. Wala naman kasi siyang maipagmamalaki na kabutihang ginawa para sa bayan kaya’t kinakailangan niyang umeksena sa mga advertisement at kung ano-ano pang gimik upang mabola niya ang taumbayan.


Ngunit para sa mga taong nag-iisip, malinaw na isang uri ng panlilinlang itong ginagawa ni Cayetano. Malinaw na malinaw na pamumulitika ang layunin ng ipinalabas ng Taguig na advertisement, at ang mas masaklap ay galing sa bulsa ng mga kababayan natin sa Taguig ang salaping pinantustos sa kanyang napakaagang pangangampanya.


***

Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com.


The post GARAPAL TALAGA SI CAYETANO appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



GARAPAL TALAGA SI CAYETANO


No comments:

Post a Comment