Sunday, June 1, 2014

DepEd, PNoy binigyan ng bagsak na grado

BAGSAK na grade ang ibinigay ng ilang kongresista kay Pangulong Aquino at sa Department of Education sa unang araw ng pasukan ngayong araw, Hunyo 2.


Ayon kay Kabataan Partylist Rep. Terry Ridon, bagsak sa halos lahat ng aspeto sa larangan ng edukasyon ang gobyerno kabilang ang silid-aralan at matrikula.


“Unang araw pa lang ng klase, bagsak na agad ang gradong ibinibigay ng kabataan kay Pangulong Aquino. Bagsak sa pasilidad, bagsak sa curriculum, at bagsak sa pagsagot sa lumulobong presyo ng matrikula,” ayon kay Ridon.


Dagdag pa ni Ridon na matapos ang dalawang buwan na bakasyon at pagbalik eskuwela ng may 25 milyong estudyante ay ganoon pa rin ang problemang kakaharapin kung saan pangunahing sinisisi ay ang implementasyon ng K-12 program.


Ngunit ang pinakamalala ayon kay Ridon ay ang kawalan ng silid-aralan ng mga estudyanteng biktima ng bagyong Yolanda kung saan ang klase ng mga ito ay gagawin sa “makeshift classrooms” at tents.


Binanggit din ng mambabatas ang ulat ng DepEd na mahigit sa 2,000 makeshift classrooms at 2,500 tents ang gagamitin ng mga mag-aaral sa Leyte, Eastern Samar, Capiz, Aklan, Iloilo at iba pang lalawigan na sinalanta ng bagyong Yolanda.


Kung binabanggit man aniya ni Pangulong Aquino na natugunan na ng kanyang administrasyong ang kakulangan sa classrooms sa buong bansa ay sinabi ni Ridon na may 2,000 pang silid-aralan ang dapat na ipatayo at 17,700 ang dapat i-repair kasunod ng pananalasa ng naturang bagyo.


The post DepEd, PNoy binigyan ng bagsak na grado appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



DepEd, PNoy binigyan ng bagsak na grado


No comments:

Post a Comment