KAALINSABAY sa pagdagsa ng mga estudyante ay sinalubong din ng mga katanungan at reklamo ang Department of Education (DepEd) ngayong unang araw ng klase, Hunyo 2.
Ang DepEd Command Center sa Pasig ang may pinakamaraming natanggap na reklamo mula sa National Capital Region (NCR) na pumalo na sa 88 kaso hanggang alas-10:00 kaninang umaga.
Halos lahat sa mga suliraning idinulog ay ang isyu sa pag-transfer ng mga estudyante mula sa pribadong paaralan patungong pampubliko.
Paliwanag ni Deped Asec. Jesus Mateo, bigong makakuha ng Form 137 o patunay ng completion ang mga magulang ng mga bata mula sa private schools dahil may bayarin pa ito.
Aksyon ng DepEd, hihimukin nito ang pribadong paaralan na bigyan pansamantala ng xerox copy ng dokumento para makapasok na ang bata.
Isa sa mga naglapit ng katulad na kaso sa Command Center si Ester Cordova at kanyang dalawang anak.
Kuwento ng ginang, hindi tinanggap sa Salapan Elementary School sa San Juan ang kanyang mga anak ngayong umaga kahit naka-enrol na ang mga ito.
Transferees ang mga bata mula sa East Timor kung saan nagtatrabaho ang kanyang mga magulang. Hindi umano maintindihan ang laman ng form 137 dahil nasa lengguwaheng Portuguese ito.
Inaaksyunan na ang problema sa DepEd Central Office.
Bukod sa transferee, nakatatanggap pa rin ng reklamo ukol sa compulsory contribution sa mga paaralan tulad ng PTA fee, Boy Scout membership at iba pa.
Sa ganitong mga kaso, tinatawagan ng DepEd ang school superintendent para imbestigahan ang reklamo at tiyakin ang paglalatag ng “no collection” policy ngayong pasukan.
The post DepEd dinagsa agad ng reklamo appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment