SISIMULAN na bukas ng Metro Manila Council (MMC) Special Traffic Committee ang pagpapatupad ng bagong truck ban rules sa Maynila.
Ang nasabing kautusan ay sisimulan bukas, Hunyo 10 at magtatagal hanggang sa Disyembre 10, 2014.
Paalala naman sa mga operator at driver ng mga trak na Mananatili ang 24-oras na truck ban sa EDSA, C5, Katipunan at Commonwealth, hindi naman papayagang pumarada anumang oras ang mga container truck sa A. Bonifacio hanggang Delpan Bridge at iba pang pangunahing lansangan sa Maynila, sa oras ng naturang truck ban, lilimitahan ang pag-dispatsa ng mga trak mula sa International Container Terminal Services Inc. (ICTSI) at Asian Terminals Inc. (ATI) sa 100 container truck kada oras.
Kasabay nito ay ipatutupad na rin ang special truck route upang mabawasan ang pagbigat ng trapiko.
Mula Port Area patungong Cavitex (Cavite Expressway), maaaring dumaan ng R-10 papuntang Roxas Boulevard patungo sa destinasyon.
Mula Port Area patungong South Luzon Expressway (SLEx), maaaring dumaan sa R-10, patungong A. Bonifacio diretso sa Roxas Boulevard, kanan sa Quirino Ave., kanan sa Osmeña highway patungong SLEx.
Mula Cavitex patungong Port Area, dumiretso sa Roxas Boulevard patungo na sa port.
Mula SLEx, tahakin ang Osmeña highway, kanan sa Quirino at patungo na sa destinasyon.
Mula naman sa Port Area patungong North Luzon Expressway (NLEx), maaaring dumaan sa Bonifacio Drive, kanan sa C-3, kaliwa sa A. Bonifacio patungo na sa destinasyon.
Mula NLEx patungong Port Area, maaaring dumaan sa Balintawak patungong A. Bonifacio, kanan sa C-3, kaliwa sa R-10 hanggang sa destinasyon.
Matapos ang tatlong buwan, aaralin itong muli ng MMC Special Traffic Committee upang malaman kung epektibo at kung irerekomenda pa para ipagpatuloy.
Sabi pa ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino, pipinturahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang designated lanes para sa mga trak.
Paalala lang nila, dapat gamitin ang innermost lane sa kahabaan ng Roxas Boulevard at dapat ay sundin ang one-lane policy, kundi ay maaaring ma-blacklist ang kumpanyang lalabag bukod pa sa multa.
The post Bagong daytime truck ban rules sa Maynila simula na bukas appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment