SA mga nangyayari ngayon sa buhay natin, ang pagtaas halos lahat ng bilihin at gastusin, ayaw ko na magmura pa. Bawang, sibuyas, luya, kamatis at mga gulay, nagtataasan ang presyo.
Nagsabi din ang mga magkakarne, “kami din”.
Hindi naman nagpahuli ang mga gumagawa ng delata, ikinarga sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis, kaya hayun, arangkada rin ang taas-presyo nila. Pero teka, pati ang pamasahe, kahit nagtaas na, kulang pa daw ‘yun sa kanilang pamamasada?
Kaya ko sanang tanggapin ang epektong-domino sa pagtaas ng mga presyo. Pero ang hindi ko
matanggap ay ang sagot ni Noynoy Aquino at mga de-kolyar niyang tagasagot sa tanong ng madlang pipol.
Katulad ni Miniong Coloma ng PCOO, sinisi pa ang taumbayan na “bibili lang daw kasi ng bigas, gusto ‘yung maputi at mabango pa, natural mahal ‘yun…”. Hindi ba kagaguhan na sagot iyan? Katulad ng sinabi niya noong palaging nasisira at tangkang pagtaas ng singil ng MRT at LRT. “Meron naman daw bus at jeepney?”
Ayaw kong magmura ha.
Ito naman si DOTC chief Jun Abaya, sa katamaran, ayaw imbestigahan ang mga korap sa kanyang ahensya. Hindi rin maitama ang gawa sa NAIA dahil utak pamemera meron sila. Pati ba naman ang travel tax ay ikinarga pa sa mga airlines? Mabaho ang laman ng utos na iyan. Paano ang kuwentada at pagsingil sa kanila? Papasok ba sa kaban ng yaman o sa bulsa lang nila. Ayaw ko talagang magmura.
Itong si Central Bank Gov. Tetangco naman ay nagbanta kailan lang. Ipapahuli, kakasuhan at ipapakulong daw niya ang mga “nag-iipon ng barya”? Aba lintek, hindi mura ito ha, pero katangahan ‘yun kung hindi kabobohan!
Bakit hindi niya hanapin ‘yung namimili, nag-iipon ng baryang Pilipino na ibinebenta tone-tonelada sa Korea, Japan, China at Taiwan? Bawal ba ang mangolekta ng luma at bagong coins? Eh, ‘di ipaalis niya sa diksyonaryo ang salitang koleksyon!
Ito ang hanep, bistado na ang kayabangan ni Agriculture chief Procy Alcala. ‘Di ba sabi niya “after my first year in office, we will be back as agri-exporters lalo na sa bigas…”
Anyare, ‘yung import natin, ini-export niya? Galunggong ka Alcala! Mura ba ‘yan?
Dahil sa dalang kahihiyan ni Alcala, iniupo ni Noynoy si Kiko Pangilinan bilang kahati sa gabinete ni Alcala. Mahusay daw na magsasaka ang abogado ni Ate Shawie, eh.
Hayun, lahat ng produktong agrukultura, hindi na maabot nina Juan at Maria. Ayaw kong magmura pero UKKINNAYO AMIN DITA MALACAÑANG!!!
The post AYAW KO MAGMURA! appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment