Tuesday, June 10, 2014

SUPT. GLICERIO CANSILAO, MAGPAKATOTOO KA NAMAN!

_benny antiporda MAKARAANG patayin ng riding-in-tandem si kapatid na Nilo Baculo, Sr., agad na sinabi ni Supt. Glicerio Cansilao na hindi na mediaman ang biktima nang mapatay ito.


Kung ano ang nasa likod ng utak nitong si Supt. Cansilao ay hindi natin gaanong makapa.


Pero sasabihin ko sa iyo, Supt. Cansilao, na tunay at kasalukuyang mediaman si Baculo nang paslangin ito.


Natigil man ang kanyang pagiging broadcaster nang sandali dahil sa pagpapalit ng management ng radio na mayroon siyang programa o trabaho, hindi naman tumitigil ito sa pagdidiyaryo.


Ayon sa anak ng biktima na si Daniel, galing siya sa Calapan City, sa kapitolyo, ng Mindoro para magpa-subscribe ng diyaryo nitong lokal na Isumbong Mo kay Ka Nilo, Travelers’ News, at Haplit Latigo.


Sa kanyang pag-uwi, saka siya tinambangan at nakita ng isang radio reporter ng dzSB 104.1 Spirit FM ang pangyayari.


SUPT. CANSILAO KUMILOS KA!


SA halip na maglabas po kayo, Supt. Cansilao, hepe ng Calapan City Police, ng pahayag na mali, ang magandang gawin ninyo ay magtrabaho kayo.


Habulin ninyo ang riding-in-tandem na pumatay kay Baculo.


At kilalanin din ninyo ang utak sa pamamaslang, kung mayroon man.


Hindi ‘yang maghayag na hindi na reporter ang biktima at kung ganoon ay hindi na bibigyan ng pansin at ituring na lang na ordinaryong pagpatay?


KORAPSYON AT KRIMEN


AYON sa mga dumarating na ulat sa atin, may mga nasasagasaan si Baculo na opisyal ng pamahalaan, kabilang na ang mga nasa pulisya, bago siya mapatay, sa kanyang mga broadcast sa radio at panulat sa diyaryo.


At tadtad ang kanyang buhay ng mga death threat.


Itong mga death threat na ito ang dapat mong trabahuhin, Supt. Cansilao, at hindi ang paghahanap ng dahilan para sabihing hindi siya mediaman.


Sa mga death threat, puwede mong halukayin ang mga kasaysayan ng pinagmulan ng mga ito.


At dito mo pupwedeng matagpuan at makilala ang may kagagawan sa pagpatay sa kanya.


‘Yan ay kung gusto mong kumilos laban sa krimen, kasama na ang pamamaslang kay Baculo.


TOTOO ANG DEATH THREATS


SUPT. Cansilao, hindi mo maikakaila na totoo ang mga death threat dahil and’yan na nga ang krimeng kumitil sa buhay ng brodkaster.


Kahilingan lang natin sa inyo, na huwag mong uulitin ang minsan nang ginawa ng Court of Appeals sa kahilingan ni Baculo para sa proteksyon ng korte dahil sa mga nagbabanta sa kanyang buhay.


Kinilala ng Supreme Court ang kahilingan ni Baculo na magkaroon siya ng proteksyon mula sa pamahalaan noong 2008.


Pero nang inatasan ng SC and CA na pag-aralan nang husto ang kahilingan ni Baculo, basta na lang ibinasura ng huli ang kahilingan.


At sa huli, pinatay na nga si Baculo.


WRIT OF AMPARO


PARA maging malinaw sa inyo, Supt. Cansilao, inisyuhan ng Writ of Amparo si Baculo noong 2008 dahil sa mga banta sa kanyang buhay.


Inisyu ang Writ of Amparo ng mga hukuman sa mga taong may banta sa karapatan nilang mabuhay, malaya at laban sa panganib sa kamay ng mga taga-pamahalaan at pribadong tao.


At nangangahulugan na kabilang sa mga magpoprotekta sa kanya ay mga pulis.


Pero sa huli, sinabi ng CA na walang ebidensya ukol sa banta sa buhay ni Baculo at inalis na ang Writ of Amparo sa kanya.


Dito na nga siya napatay.


O sige po, Supt. Canislao, maliwanag na siguro ang lahat ukol sa kapatid nating si Baculo at dapat na tayong magtrabaho para sa makamtan niya, lalo na ng kanyang mga naulila, ang katarungan.


DROGA KAHIT SAAN


ANO na ang nagaganap, Mr. President Noynoy, sa ating bansa?


Kung saan-saan na lang matatagpuan ang problema sa droga.


Pabangis na pabangis pa ito dahil tinitira na o nagtitirahan na ang mga pulis.


‘Yun bang === pinapatay o nagpapatayan na ang mga pulis.


Isa sa mga pinahuling pangyayari ang pagtumba kay Ubay, Bohol police chief George Caña.


Pinangunahan ng dating pulis na si Owen Rosales ang gang ng droga na umambus kay Caña.


Nagkaroon ito ng dalawang oras na labanan hanggang sa mapatay rin si Rosales at lima pang kasamahan niya.


DRUG DIAGRAM


NITONG nakaraang Abril naman, pinatay ng umano’y kapwa niya pulis si Chief Inspector Elmer Santiago makaraang ibulgar nito sa mga awtoridad sa Camp Crame ang ilang kasamahan nito bilang protektor ng malaking sindikato ng droga sa National Bilibid Prisons hanggang sa Bataan, Zambales at Olongapo City.


Dahil sa pangyayari, pinagsisibak sa puwesto ang nasa 23 opisyal na maaaring sangkot sa droga at cybersex.


Nagkaroon din ng patayan sa isang bayan sa Cavite kamakailan dahil pa rin sa droga.


Napatay ang isang ahente ng Philippine Drug Enfrocement Agency nang ratratin ito ng sindikato habang nagsasagawa siya ng surveillance o pagmamanman sa sindikato.


WHAT’S HAPPENING


ANO na nga ang nagaganap sa ating bayan?


Sa mga ordinaryong mamamayan na sumusubaybay sa mga nagaganap na krimen, marami na ang nag-iisip na wala nang kaligtasan sa mahal kong Pinas.


Anytime, anywhere puwede kang paslangin ng kahit sino. Kung ito na ang ating buhay araw-araw, saan kaya tayo patutungo, Mr. President?


oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.


The post SUPT. GLICERIO CANSILAO, MAGPAKATOTOO KA NAMAN! appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



SUPT. GLICERIO CANSILAO, MAGPAKATOTOO KA NAMAN!


No comments:

Post a Comment