Wednesday, June 11, 2014

PATI BA NAMAN TAPPAN PARK? LOKOHAN NA ‘YAN!

ito-ang-totoo-colored32 BALIKAN natin ang Admiral’s Guest House, isang makasaysayang gusali na iniwan ng mga Amerikano nang isara ang kanilang base nabal sa Subic. Ito Ang Totoo: ang Admiral’s Guest House ay dapat idineklara ng National Historical Commission bilang “Historical Site” at hindi dapat sirain, bagkus, ipi-preserba pa.


Marami ang nag-alok na upahan ang Admiral’s Guest House pero lahat sila ay tinanggihan dahil nga “historical” ito. Lahat tinanggihan liban sa isa, ang pamilya Lorenzana na pinangungunahan ng kapatid ni dating Olongapo Mayor Bong Gordon na si Veronica na ina ni Jimmy Lorenzana na “operator” ni Bong at panandaliang nakaupo bilang miyembro ng Subic Bay Metropolitan Authority Board of Directors sa panahon ni ex-President Gloria Macapagal-Arroyo.


Sobrang lakas nila kaya hanggang ngayon, limang taon makalipas sirain ang “Admiral’s Guest House” at simulang tayuan sa lugar nito ng hotel at restaurant, hindi sila masaling kahit paulit-ulit na lumalabag sa mga alituntuning itinakda sa kanilang kontrata sa SBMA.


Noong 2009, pumasok sa “Facilities Management Agreement” ang Olongapo City Arts & Cultural Restoration, Inc. sa pamamagitan ng pangulo nitong si Veronica Gordon-Lorenzana para i-manage, rehabilitate at operate ang Admiral’s Guest House pero sa halip na gawin ito ay giniba ang makasaysayang gusali para nga tayuan ng restaurant at hotel.


Ang masaklap pa, kung tinanggihan ang mga alok ng iba na upahan ang Admiral’s guest House, ibinigay ito kina Lorenzana ng SBMA nang libre – walang upa at poporsyento na lang ng 5% ang SBMA sa kita.


P5M halaga ng development ang commitment nina Lorenzana na ilalagay sa proyekto na itinakdang matapos noong Agosto 2010. Hindi nakatupad sina Lorenzana pero pinagbigyan ito ng mahigit isang taong ekstensyon o hanggang Oct. 30, 2011 na hindi pa rin natupad.


Ilang beses na ngang hindi nakatupad sa commitment matapos sirain ang makasaysayang gusali, sa halip na parusahan o alisan ng kontrata ng SBMA, ibinigay pa noong June 2012 kina Lorenzana ang 5,700 sqm. na Tappan Park sa tapat ng Admiral’s Guest House, dagdag sa 3,645 sqm. na dating kinatitirikan ng ginibang gusali.


Ito Ang Totoo: ang Tappan Park ay isa pang makasaysayang lugar bilang dating sentro ng Olongapo noong barrio pa ito ng Subic bago inokupahan ng mga Amerikano, pero nakuha na rin ni malakas, este, Lorenzana kahit pa ang mga parke o plaza ay hindi dapat kinokomersyo.


Sa pagpapalawig pa na ibinigay ng SBMA kina Lorenzana na tuparin ang development commitment hanggang Nov. 2012, bigo na naman ito at binigyan ulit hanggang Pebrero 2013 na muling pumalpak kaya binigyan na naman ng hanggang Nobyembre 2013 na hindi pa rin napangatawanan nina Lorenzana.


Hanggang kailan at hanggang saan ang lakas nina Lorenzana sa pang-iisa sa pamahalaan at taumbayan, tingnan po natin at abangan. Ito Ang Totoo!


The post PATI BA NAMAN TAPPAN PARK? LOKOHAN NA ‘YAN! appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



PATI BA NAMAN TAPPAN PARK? LOKOHAN NA ‘YAN!


No comments:

Post a Comment