Thursday, June 19, 2014

HUWAG GIPITIN AT MALIITIN ANG MGA MAMAMAYAN

benny-antiporda11 SA ating paglilibot sa mga barangay, para tayong sinisilaban sa mga patutsada ng mga mamamayan laban sa pamahalaan ngayon.


Marami ang galit sa sari-saring kadahilanan.


Higit na perwisyo raw ang gobyerno sa halip na nakatutulong sa kanila.


Ang paglabas ng ganitong damdamin ng mga mamamayan ang dapat na bantayan ng mga nasa poder.


Baka naman dito sila makakanal sa kapangyarihan.


BRGY. BUSINESS


Noong panahon ni Aling Gloria, isinulong ang barangay business.


Sa barangay business na ito na hindi lalagpas sa P1 milyon ang puhunan, kita at gastos, libre ka sa buwis.


Kuwento nila, basta kumuha ka ng mga kaukulang papeles sa barangay, okey na okey na.


Kaya naman, may mga nagsi-utang sa mga Bumbay o sa mga bangko na nagpapautang ng kung ilang libo lang na puhunan.


May mga nag-oorganisa rin sa mga ito na taga-barangay at tinuturuan silang gumawa ng mga produkto at kung paano palalaguin ang mga ito.


May nagtayo rin ng mga sari-sari store na talaga namang maliit lang ang puhunan.


Kapag kulang-kulang sa P10,000 ang puhunan mo, kumuha ka lang ng mayor’s permit at barangay permit, oks na.


Kaya nauso ang mga mother leader at kung ano-ano pa na susubaybay sa mga maliliit na hanapbuhay at nagsisilbi na ring extension ng serbisyong publiko ng mga kagawad.


MAGBUWIS KA


Ngayon, kahit gaano kaliit ang iyong negosyo, pakikialaman ka na ng BIR.


Kailangan mong mag-aplay ng certificate of registration sa BIR. Syempre pa, may bayad dito at marami pang gastos dahil sa kase-xerox at kababalik-balik sa BIR hanggang matapos mo ang iyong papeles.


Ang masakit, sa mga lalawigan, may isa o dalawa lang na opisina ng BIR at napakalalayo ang mga ito sa maraming bayan.


Kung may 24 na bayan sa isang lalawigan, magsisiksikan kayo lahat sa iisang BIR office para kumuha ng certificate of registration at matagal bago ka maisyuhan nito.


Eto pa ang masakit, kapag sinabi mong nagsimula ka na kahit walang BIR certificate, pagmumultahin ka nang mahal.


Kapag kinakailangan ng resibo ang iyong negosyo, papagawain ka ng resibo at dagdag na gastos ‘yan.


Hindi ka pa nakapagsisimula ng negosyo, ubos na sa gastos sa BIR lang ang inutang mo sa Bumbay.


Mismo nga ang mga magta-traysikel na driver at operator na kumikita lang ng P100 bawat isa sa loob ng isang araw, pinagbubuwis na ng BIR.


Walang lugi-lugi sa BIR, basta kumita ka, kailangang magbayad ka.


At dito galit na galit ang mga maliliit na mamamayan na nagsusumikap na mabuhay upang hindi na sila poproblemahin pa sana ng pamahalaan.


MULTA AT PARUSA


Pero hindi lang ang BIR ang problema ngayon ng mga maliliit na mamamayan at negosyante.


Pinoproblema na rin nila ngayon nang malaki ang grabeng pamemera umano ng Land Trans portation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.


Wala na ang tig-P150-P300 na multa sa mga maliliit na traffic violation at minimum na ang P1,000 at umaabot na ito sa P5,000 hanggang sa P10,000 kung mauulit umano.


Ibang usapan syempre ang mga kolorum na dapat lang na mawala sa mga lansangan. Maraming nangongolorum na opisyal mismo ng pamahalaan at ito ang mga malalakas ang loob na bumiyahe sa mga lansangan.


Kahapon, nabanggit na natin ito sa ULTIMATUM.


IBA PA ANG LGU


May sarili namang patakaran ang mga local government unit, kasama na ang katulad ng Metro Manila Development Authority at mga nasa superhighway.


Napakamahal din ang mga multa at iba pang parusa sa mga motorista na ipinapataw ng mga ito.


Kaya naman, kung hinuli ka ng LTO at LTFRB, maaaring makisawsaw ang mga traffic enforcer at MMDA constable.


Mararanasan mo ang pagbagsak ng langit dito sa lupa.


Parang isang napakalaking gang ang gobyerno na magpapahirap sa iyo at magdadala sa iyo sa matinding kagutuman.


Sino ang hindi magugutom sa taas ng mga multa at haba ng panahon ng pagtubos ng driver’s license?


Sinong operator ang hindi magugutom sa kanselasyon ng kanilang mga prangkisa at napakatataas na multa?


TAAS PRESYO


Sumabay na rin, mga Bro, ang pagtaas ng presyo ng lahat ng bilihin.


Mula sa gasolina at diesel hanggang sa mga pagkain, kasama ang bigas.


Kung sinasadya ng gobyerno ang mga umano’y panggigipit sa mga motorista, kasama na ang pagpepresyo sa mga produktong petrolyo, nagiging inutil naman ito sa pagkontrol sa mga nagmamahalang bilihin.


Panay ang sabi ng pamahalaan na wala silang magagawa sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kahit ang bigas.


Kahit ang mga bilihin ay nagmamahal dahil sa mahal ng pagbibiyahe ng mga ito dahil sa pamemera ng gobyerno rito.


Mahal ang pagbibiyahe dahil sa mahal na mga produktong petrolyo at sa rami ng mga nangongotong at namemera sa mga lansangan.


NAGPAPALUSOT


Nagpapalusot ang mga nasa pamahalaan gaya ng presyo sa bigas sa pagsasabing mahal kasi ang halaga ng produksyon dito.


Pero hindi naman kaila sa mga mamamayan na ang gobyerno na mismo ang nagpapabigat ng lahat.


Hanggang sa gutom at kahirapan ang danasin o dinaranas ng milyong-milyong mamamayan.


Kung hindi mag-iingat ang pamahalaan at tuloy-tuloy nitong paiiralin ang mga patakarang pahirap sa taumbayan, baka nga makakanal ito nang wala sa oras.


oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.


The post HUWAG GIPITIN AT MALIITIN ANG MGA MAMAMAYAN appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



HUWAG GIPITIN AT MALIITIN ANG MGA MAMAMAYAN


No comments:

Post a Comment