HINIYA ni Pinoy woodpusher Edmundo Gatus si IM Lian Ann Tan sa round five upang manatili sa unahan ng ASEAN+Age Group Championships -Seniors 50 Standard Chess kagabi na ginaganap sa Macau.
May four points na ang pambato ng Tondo, Manila na si Gatus (elo 2229) at kasalo nito ang makakalaban niya sa penultimate at six round na si seed No. 2 GM Meng Kong Wong (elo 2267) ng Singapore.
Kinaldag ni Wong ang kababayang si IM Peng Kong Chan (elo 2261)sa event na ipinatutupad ang seven rounds swiss system.
Nag-aagawan naman sa third to fourth place sina Vietnamese chessers na sina Dang Tat Thang (elo 2197) at top seed Van Huynh Ho (elo 2286).
Sa Girls Under 20, bumalik sa unahan si ranked No. 1 WFM Janelle Mae Frayna (elo 2133) matapos payukuin si Pinay WFM Marie Antoinette San Diego (elo 1960).
Nakaipon si Frayna ng limang puntos matapos ang round six kung saan ay kasalo nito ang tumalo sa kanya at kababayang si Jan Jodilyn Fronda.
Pinagpag ni Fronda (elo 2077) si Frayna sa round 3.
Tabla ang huling laro ni Fronda kontra kay Cherry Ann Mejia.
May nine rounds ang pinaglalabanan sa GU-20. Nasa tersero puwesto si WCM Li Ting Tan (elo 1937) ng Malaysia tangan ang apat na puntos habang solo fourth place si Mejia bitbit ang 3.5 pts.
Samantala, umakyat na sa pangatlong puwesto ang batang si Stephen Rome Pangilinan nang biguin nito sa round six si Zhang Qihao (elo 1763) ng China.
May 4.5 points na si Pangilinan at makakalaban nito sa seventh round ang nangungunang si Yinn Long Wong (elo 1884) ng Malaysia.
Pasan ni Wong ang anim na puntos matapos birahin si Ang Alphaeus Wei Ern (elo 1915) ng New Zealand.
The post Gatus nanilat sa ASEAN+Age Group appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment