Wednesday, June 4, 2014

DAP MAS MASAHOL SA PDAF PERO ANO ANG DESISYON NG SC?

_benny antiporda WALANG nakatitiyak kung ano ang magiging desisyon ng Supreme Court sa kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program.


Ayon sa SC, maaaring sa susunod na linggo nito ilabas ang desisyon.


Sa DAP na ito, mga Bro, ginastos ng pamahalaan ang kabuuang halagang P157.36 bilyon para sa mga taong 2011 hanggang 2013.


Nagpakawala ang gobyerno ng P83.53B noong 2011, P58.7B noong 2012 at P15.13B noong 2013.


Depende sa mga lumalabas na balita, kabilang sa mga pinaggamitan ng DAP ang insentibo o ‘suhol’ sa senador at kongresman na sumipa kay Renato Corona bilang Chief Justice ng SC.


ANG PRO-DAP


DALAWANG mukha ang pinalulutang ukol sa DAP, syempre ng mga kontra at pabor.


Ayon sa Malakanyang, hindi na dapat na pansinin ng SC ang DAP dahil itinigil na nila ito, lalo na nang idineklarang unconstitutional ang Priority Development Assistance Fund.


Sinabi naman ng mga abogado ng Malakanyang at ilang mahistrado na hindi dapat na gumawa ng desisyon ang SC dahil walang naunang kaso, halimbawa, sa Regional Trial Court, at hindi pupuwedeng gumampan ang SC ng trabaho ng mga RTC na “trier of facts.”


At saka na lang iakyat ang kaso sa SC kung may mga problema na sa batas at Konstitusyon na lulutang dito.


ANG ANTI-DAP


AYON naman sa mga anti-DAP at ilang Mahistrado, may ligal at konstitusyonal na problema kaya pupuwedeng talakayin na ng SC at gumawa ng desisyon dito.


Halimbawa umano ang paggawa ng Malakanyang ng sarili nitong batas sa badyet na wala sa sakop ng batas para sa pambansang budget o general appropriations act.


Nabalewala umano ang paghihiwalay ng kapangyarihan ng Kongreso, Ehekutibo at Hudikatura na ginagarantiyahan ng Konstitusyon nang basta na lang naglabas ang Malakanyang ng National Budget Circular 541 na naging batas na rin para sa DAP.


Nirambol din umano ng Malakanyang ang mga saving o natipid ng iba’t ibang ahensya at inilagay lahat sa DAP, kasama na ang mga pondo na walang tiyak na proyekto o programa at labag umano ito sa Konstitusyon.


MGA TANONG


TANONG: ang ilalabas bang desisyon ng SC ay hindi nito pakikialaman ang DAP at itulak muna ito sa mas mababang hukuman para sa paglilitis at paglalabas ng mga datos bago iakyat sa SC para sa pinal na desisyon?


Kung magdedesisyon naman sa merito ang SC, papanig ba ito sa mga anti-DAP o pro-DAP?


PRESIDENTIAL PORK BARREL


ITINUTURING ng mga anti-DAP na isang presidential pork barrel ang DAP.


Bukod ito sa Presidential Social Fund, Malampaya Fund ng niyari ng SC sa desisyon nito sa PDAF at iba pang mga badyet mula o para sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.


Kabilang umano sa pinakamalaking pork barrel ng Pangulo ng Pilipinas ang DAP kung ibabatay sa paggamit nito ng nabanggit nang halaga, ang P15736B sa mga taong 2011 hanggang 2013.


Ayon kay Professor Leonor Briones, ng Social Watch, umaabot sa nasa P500B ang kabuuang pork barrel ni PNoy.


At ang pork barrel ay pupuwedeng gastusin ng may hawak nito sa nais nitong mga proyekto o programa.


UMUNLAD ANG PILIPINAS


AYON sa Malakanyang, kung hindi pa sila gumawa ng DAP at gumastos para rito, hindi sana nakakamit ngayon ng Pilipinas ang kaunlaran nitong tinatamasa na kinikilala na ng ibang bansa, maging ng iba’t ibang bangkong internasyonal.


Ang DAP umano ang nagpabangon sa ekonomiya ng bansa. At lalong umuunlad ang bansa dahil na rin sa Tuwid na Daan na ginamit sa paggastos sa mga pondong DAP at sa mga regular na pondo ng pamahalaan.


Umabot na nga umano tayo sa antas na kung saan isa tayo sa mga bansang may pinakamagandang rekord ng paglago ng ekonomiya.


Habang nasa krisis at alanganin ang kabuhayan ng ibang mga bansa, nananatili tayong nakatayo at hindi nakararanas ng anomang panghihina sa ekonomiya.


Nanghina lang umano ang ating kabuhayan o ekonomiya nang dumating si Yolanda sa mahal kong Pinas.


MAMAMAYAN NAGUGUTOM


PARA naman sa mga anti-DAP, puro kasinungalingan at hindi kapani-paniwala umano ang isinusubo ng Malakanyang sa mga mamamayan na umunlad at patuloy na umuunlad ang Pinas dahil sa paggamit ng DAP.


Ginagawa nilang batayan ang mga survey na pasama nang pasama ang kalagayan ng mga mahihirap at hindi lang tumitindi ang nararanasang gutom ng ilan nating kababayan kundi parami nang parami pa ang mga ito.


Kung may yumayaman man, walang iba kundi ang nasa 47 pamilya lamang na may kontrol na sa pinakamalaking tipak ng ekonomiya ng Pinas. At ang mga pamilyang ito ang pakner ng gobyerno sa mga bilyones ng halaga ng mga proyekto at programa ng pamahalaan.


MATUTULAD KAYA SA PDAF?


KUNG merito o laman sa laman ang pag-uusapan, syempre pa, nais nating malaman kung konstitusyonal at ligal o hindi ang DAP.


Para sa atin, mas gusto nating gumawa ang SC ng desisyon ukol sa merito sa kaso sa halip na sipain ito pababa sa RTC.


Malaking halaga ang DAP na pinakawalan ng pamahalaan sa hindi natin masyadong nalaman na mga proyekto at lalong kaduda-duda ang DAP nang aminin mismo ng Malakanyang na galing dito ang ipinamigay sa mga senador at kongresman na nang-impeach kay Corona.


Mas masahol yata ang DAP kaysa PDAF na nagkahalaga lang ng nasa P96B sa nakalipas na apat na taon.


oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.


The post DAP MAS MASAHOL SA PDAF PERO ANO ANG DESISYON NG SC? appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



DAP MAS MASAHOL SA PDAF PERO ANO ANG DESISYON NG SC?


No comments:

Post a Comment