Wednesday, April 9, 2014

KATARUNGAN KAY RUBIE AT ABNORMAL NA ASAL NI SOLIMAN

ito-ang-totoo-colored3 KINOKONDENA ng Samahan ng Mamamahayag sa Subic Bay Freeport, Olongapo, Zambales at Bataan (SMSBF) ang patraydor na pagpaslang sa Remate reporter at pangulo ng media practioners sa CALABARZON na si Rubylita “Rubie” Garcia ng tatlong armadong mga duwag at amag sa lipunan, tulad ng nag-utos sa kanila.


Ito Ang Totoo: ang pagpatay kay Rubie ay pag-atake na rin sa hanay ng mamamahayag sa bansa at buong mundo, bukod pa sa lipunang ating kinabibilangan na kung ituring ay sibilisado.


Sa bilang ng mga napapatay na mamamahayag sa Pilipinas sa nakaraang panahon hanggang ngayon sa ilalim ni Pangulong Benigno Aquino, lumalabas na paatras ang ating progreso na patungo sa pagiging nasyon ng mga barbaro.


Nasasalamin din ang pagiging inutil ng mga tagapagpatupad ng batas pati na ang mga hukom na sila mismo ay may problema sa pamamaslang sa hanay nila.


Bago nalagutan ng hininga si Rubie ay pinangalanan niya ang posibleng utak ng pagpatay sa kanya kaya meron kaagad pagsisimulan ang imbestigasyon kung magiging masigasig lang ang mga kinauukulan.


Hindi pa nga nareresolba ang karumal-dumal na ginawa ng mga Ampatuan at mga ibang pang pag-atake sa media ay meron na naman.


Kaya kailangan na talagang magkaalaman kung may kakayahan ba ang pamahalaan na pangalagaan ang seguridad ng mamamayan, kasama na ang mga mamamahayag na ginagampanan lamang ang kanilang tungkulin para ihayag ang mga bagay at impormasyong dapat malaman ng bayan.


***


ANO kaya ang nasa utak ni Dept. of Social Welfare & Development (DSWD) Sec. Dinky Soliman at patuloy nitong hindi hinahakot ang may 45,000 sako ng bigas sa Subic Bay Freeport para sa mga biktima ng bagyong Pablo sa Mindanao?


Wala pa ang bagyong Yolanda ay “donation” na ng Bureau of Customs (BoC) ang halos P50M halaga ng bigas pero sa kadahilanang siya lang ang nakaaalam, dedma lang si Soliman, wala siyang pakialam kung ang bigas ay mabulok lang.


Ito Ang Totoo: hindi na nga sinasagot ni Soliman ang sulat ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman Roberto V. Garcia, pati ba naman tawag sa telepono ay hindi pansin nito.


Pangulong Noynoy Aquino, ano po ba itong bata ninyo?


Abnormal ang pagtanggi sa grasya para sa kapwa kaya abnormal ang sitwasyong binubulok na lamang ni Soliman ang libo-libong tonelada ng bigas sa Subic.


Ito Ang Totoo!


The post KATARUNGAN KAY RUBIE AT ABNORMAL NA ASAL NI SOLIMAN appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



KATARUNGAN KAY RUBIE AT ABNORMAL NA ASAL NI SOLIMAN


No comments:

Post a Comment